Hindi ko rin naman maikakailang sumasagi sa isip ko ang kaba at duda sa tuwing may mga desisyon na kailangan akong gawin. Ang anim na taon na pagiging "independent" ay mahirap samakatuwid. Kung minsan, kailangan magpanggap na walang tutulong sayo upang matuto ka lamang tumayo sa sarili mong mga paa. At kahit utak mo ay nanghihina sa kakaisip kung paano ka mabubuhay na walang inaasahan. Sa araw na ito ay minarapat kong hindi sisihin ang "pride" na nananalaytay sa dugo ko bagama't makailang ulit itong ipinaghihimutok ng aking ama. Ikatutwa ko na lamang malaman na kung sakaling dumanak ito, may matatakbuhan pa rin ako.
Magtatapos na ang taon. Naalala kong sumulat ako ng mga bagay na nais kong gawin at maging ang mga bagay na natutunan ko nung nakaraang taon. May mga bagay na nagawa ako. May mga bagay din namang binaon ko na sa utang..este sa limot pala. Ngunit napagtanto kong isang emosyon ang bumalot sa buhay ko...TAKOT.
Hindi sa uri ng pagkaduwag sapagka't matigas ang ulo ko kung pagpilit ng kagustuhan ang pag-uusapan. Maraming bagay ang sinubukan kong gawin sa unang pagkakataon. At lahat ng ito ay dahil sa takot at nagdulot ng takot.
Natakot akong mabuhay na walang kasama sa bahay. Natakot akong hindi ko kakayanin ang paglalaba, pagluluto, paglilinis, pamamalengke, pamamalantsa, at pagiging "one-man team." Natakot akong lulunukin ko ang "pride" ko pagkatapos ng taon at babalik ako sa taong nagmahal sakin nang tunay. Hindi dahil mali ang desisyon ko ngunit dahil wala nang magtatanggol sakin sa mga sitwasyong ang pagiging babae ay may katumbas na diskriminasyon. Kung sakali mang isipin ko ito, maging ang damdamin ko ang nagsasabing madaya ako sa maraming bagay at makasarili ako.
Ngunit nais ko din namang ipaalam na natakot ako nang pinalaya ko ang isang tao dahil sa pangarap at pagbabago. May mga panahong nais kong bawiin ang sinabi ko para lamang bumalik sa normal at maging kuntento na lamang sa ganon. Natakot akong harapin ang bukas na wala nang magsasabi ng "Mahal Kita." o "I'm sorry, wag ka nang magalit ha?" Natakot akong hindi na kamay ko ang hawak niya balang araw. Natakot akong hindi ko na masasabi kung gaano ako ka-swerte at kung gaano siya kamalas. Kung iisipin ko ang inabot ng takot na ito, masasabi kong hindi namin masusubukan ang tunay na kakayahan kung walang bukas na pag-iisip.
Bagama't isang pagkakaibigan ang nabuo sa paghihiwalay, isang takot naman ang nabuo sa ideya ng pagtitiwala. Inakala kong magiging madali naman ang pagtanggap na mag-isa na lamang ako. Sinanay ko ang sarili kong isantabi ang emosyon at maging malayo ang loob sa iba. Unti-unti kong nakalimutan na hindi ko niyayakap ang pangarap ko...na hindi ko binibigyang halaga ang ibang tao sa pag-aakalang iyon ang katumbas ng pag-iisa. Ilang tao rin ang naging bukas ang pahayag sa pagtanggap. Ngunit isang tao lamang ang masasabi kong naging makabuluhan ang papel sa buhay ko. Sinubukan kong ibulong sakanya kung gaano kahirap ang umamin. Sinubukan kong sabihin na baka hindi kami magpang-abot ng pangarap dahil nabubuo na sakanya ngunit nag-uumpisa pa lamang ako. Sinubukan kong ipahiwatig na kailangan ko siya bagama't nauunawaan kong may mga pangangailangan din siyang hindi ko kaagad maibibigay. Muli, bandang huli ay hindi ko na rin maisip kung kailan siya bumitiw sa pagkakayakap ko sa kanya. At sa huli, pinili kong lumayo at hayaan na lamang nakabukas ang pinto. Marahil, mas makakabuti iyon.
Masasabi kong dahil sa takot ay mas naging makabuluhan ang buhay ko ngayong taon. Mas praktikal kong tinatanaw ang bukas at mas binibigyang halaga ko kung ano ang meron ngayon. Mas binibigyang kulay ko ang mga tao sa paligid at sinusuklian ang damdamin nila sa kung ano ang nararapat.
Marahil ang taong ito ay sadyang mapaglaro. O marahil ang taong ito ay puno ng pagkabalisa. Alin mang anggulo ko ito tignan, napatunayan kong ang takot ay nakakapagpabago.