Thursday, January 7, 2010

Birthday Wishes

Alas-tres ng madaling araw ako pinanganak. Nakapagtataka tuloy kung may koneksyon ang pagiging "nocturnal" kong sanggol sa pagiging aktibo ko tuwing gabi..o sadyang "insomniac" lang? Bago pa man mapadpad ang usapin sa kung anu-anong paghahalintulad, ang nais kong ibahagi ay ang mga "unang" nangyari sa akin sa taong 2009 base sa aking memorya.


1. PTC/PPC= Paid to Click/ Pay Per Click

Isa itong pagkakakitaan "online" kung saan babayaran ka ng isang "site" para i-click ang mga "ads" or "sponsors" nila. Sa totoo lang nakakatuwa siya sa umpisa kasi madali lang mag-click at maghihintay ka lang ng 30sec. para ma-credit ang pera sayo at pag umabot ka sa quota pwede mo nang i-cash out ang pera mo papunta sa PayPal. Pero nakakasawa kasi cents ang kinikita mo at ang tagal bago mo cash-out ang pera. Isipin mo na lang na 10cents kada-click pero kailangan makabuo ka ng $10.00 bago mo ma-cash-out. Masaya sana 'to kung marami akong naging referrals. Naging pampalipas-oras ko ito tuwing hindi ako makatulog.


2. Facebook/Multiply/Twitter Hindi pa rin nawawala ang opinyon ko na ang mga social networking sites ay isang instrumento upang palawakin ang unang katauhan mong "facade" o iyong "exterior" na personalidad mo. Natatandaan kong Abril nang simulan kong mag-'open' ng ''account.'' Mahirap nga lang mag-upload ng picture di gaya sa Multiply pero naaliw naman ako sa "interface" at sa mga "games." Bagamat di maiwasan na kung sino-sino ang mag-a-add sayo, pinipili ko na lang...at random...kung sino ang idadagdag ko. Hmmm...sa ngayon mahigit 250 ang friends ko. Sari-saring lubid...sari-saring kaugnayan..isa lang ang hangarin...koneksyon..tunay man o kathang-isip.


3. Maruya/Corn with cheese. Maruya: Yun pala yun...saging na may harina. Masarap, parang turon lang kaso iyong arnibal hindi isinasama sa mantika. Ibinubudbod ang asukal pagkatapos iprito. Ayos! Corn with cheese: Sa edad kong ito. Ang tanga ko talaga. Hindi kasi sumagi talaga sa isip kong bumili ng mais na may "orange" na inilalagay sa ibabaw. Maka-ilang beses na akong nakakain ng binatog kung kaya't hindi ko na rin binigyan ng panahong isipin kung cheese ba yun o "Tang powdered orange juice." Patawad. Pero masarap naman.


4. Pares sa Jolly jeep. Hindi talaga ako pihikan sa pagkain. Nung asa Baguio nga ako, madalas nahuhuli ako ng Mama kong kumakain ng isaw, odoks, tukneneng, balat, at mami o bulalo. Ang hindi ko lang gustong kainin ay betamax at ulo ng manok. Nung bata ako naalala kong nakakain na ako ng adobong sawa at oo, gaano man kapanis ang linyang "lasang chicken" eh lasang ganon nga...sa sobrang sarap hinintay pa ng lolo kong maubos ko ang isang mangkok ng sawa bago niya sabihing nakain ko ang posibleng mamulutan sakin...una-unahan lang. Siyempre kung 5-6 years old ka, at hindi mo nakita kung paano niluto eh wala lang iyon sayo. Kahit nga palakang-bukid nakakain na ako eh. Magaling naman sa bolahan ang lola ko pagdating dito. As in literal na bolahan dahil matapos i-"grind" eh bibilugin parang spaghetti meatballs, saka isisigang...weakness ko pa naman ang sinigang o mga sinampalukang ulam...ayun at hindi ko malilimutan kung paano ko hinihigop ang sabaw at nginunguya si kaibigang palaka. Ang pares sa Jolly jeep na nakapuwesto sa Buendia tuwing hatinggabi ay ang unang Jolly jeep adventure ko. Sarap...pero hindi na ngayon. Alam niyo bang hango sa ari ng baka ang sabaw nito. Isipin niyo na lang na sagana sa protina ang kinakain niyo kaya mapapansing malapot ang sabaw. Kung nalaman ko nang mas maaga hindi na sana ako kumain nito. Gayunpaman, andun na eh. Nasarapan naman ako eh kahit nga sa NFA rice na hayaan mo na lamang ang amoy basta lagyan mo ng seasoning at sangkatutak na bawang. Solb na!