Wednesday, December 30, 2009

Doppelganger

Kung makailang-ulit kong pinagmasdan
Ang larawan mong puno ng kalokohan
Na sa puntong ito ay hindi makapagsisinungaling
Ang damdamin kong ayaw tanggapin,
Ay nais kong sabihin na ayoko...

Ayokong itapon ka sa isang lalagyan
Na puno ng inaamag at nilalangaw na bagay
Lugar na kung saan tanging alaala ko na lamang
Ang magbibigay kulay sayo
Kasi ayoko....

Ayokong gawing dahilan ang sitwasyon
Na nagdulot ng iyong pagkawala
At pinag-ugatan ng pagkabalisa
Na sa tuwing naaalala ko
Ay gustong kong sambitin.."Ayoko"

Ayoko nga...pero leche ka!
Nasugatan ako dahil sa'yo
Itinapon na sana kita nang sobrang bilis
Para noong una pa lang naisip ko nang
"Ayoko! Basag ka na kaibigang Salamin..Paalam"

Thursday, November 19, 2009

SocialInterview.com Asked Me.

Name one thing you've learned this year:



Ang sagot ko marami...kaya heto at ididikta na naman ng utak ko ang walang kasing habang listahan ng mga natutunan o marahil, naramdaman, o posible ring naipukol sa akin ng tadhana. (slow clap) ...sapok...sapul...sampal...sasagot na nga!



1. Ito na marahil ang pinakasariwang natutunan ko o marahil palagi kong ginagawa subalit kailangan ko lang masabi kasi...sa totoo lang naapektuhan ako nang bahagya nung una..puro kasi akala..anong malay ko na mag-iinarte lang kaming dalawa at bandang huli, maiisip kong mas maiging maging ganon na lamang ang isipin niya kaysa ipaliwanag ko pa ang sarili ko...parati naman akong ganon, wag nang pilitin ang ayaw magpapilit. Kung kaya ito ang una:



Wag pilitin ang isang tao bagama't nasabi mo na ang gusto mong sabihin pero sadyang nagdadrama pa rin sa buhay na para bang hindi na kayo pwedeng maging magkaibigan. "Kamote, sinaksak ba kita ha, at nagpapanggap ka pang manhid kuno....woooooh! LOSER...hahaha!"



2. Mamumuhay na naman ako ng mag-isa. Mark: Nov. 28, 2009. At siguradong kaya ko ito. Basahin ang paksang Braveheart sa blog na ito. Kulang pa rin sa gamit. Gayunpaman, kuntento na rin ako sa kung ano ang posibilidad at realidad dahil doon lamang ako pwedeng magpanimula. Ang tunay na pakikibaka ay hindi sa giyera, ito'y pagkatapos. Hay koneksyon!



3. Sobrang mag-aaral na talaga ako Ma, I promise...ng French, ng Hip-hop, ng basic programming, ng surfing, ng HR stuff, ay ok...ng MA pala sa Psych...labyu. Oo, aking mga kapwa! Itutuloy ko na ang laging nauudlot na mga pangarap. Ang kaso, gusto ko rin ng Business Admin, o kaya ng Econ...hay basta itutuloy ko na po...dahil gusto ko rin magturo (ano ba!).



4. Hindi pa ako magkakakotse next year...sa 2011 pa..ayos lang darating ako dyan, I'm so sure! Ang susi ay sa bahay at ang pondo ay sa Web.



5. Na maldita pa rin ako, pero sweet..yun eh kung makikilala mo ako nang husto.

6. Hindi pa rin ako pihikan sa pagkain pero pumapayat ako.

7. Na napapabayaan ko na ang buhok ko. Plano ko itong ipagupit nang sobrang iksi at tiyagaing plantsahin araw-araw para maging diretso.

8. Past is past. Hindi ba't nakakasawang balikan parati ang kahapon na para bang ito na lang ang pumipigil sa'yo para gawin o sabihin ang mga bagay-bagay? Ang sabi mo nga Pa, hindi naman kailangan mamuhay sa nakaraan. Tanawin mo lang para malaman mo kung ito ba talaga iyong nais mong kinatatayuan ngayon.

9. Na in-love ako...totoo nga..kaso nawala hahaha!

10. Kailangan mong kamustahin ang mga kaibigan mo. Hindi dahil break na kayo ng mahal mo kaya pinapansin mo na sila ulit, pero dahil baka hindi ka na 'aware' na iyong isa ay may asawa na, o iyong isa ay magkaka-anak na. Bigla mo na lang tuloy mararamdaman, gusto mo na rin ng baby pero hindi asawa.

Hindi pa tapos ang taon kung kaya't marami pang pagkakataon para habaan ang listahan...marahil 'up to 50?'

Palabas ako ng opisina nang maamoy ko na naman ang pamilyar na pabango. Sa totoo lang naiinis ako. Gusto kong pigilan ang aking paghinga hanggang makaabot ng 'elevator.' Ironic dahil ang 'marketing' non ay para bang makapagbibigay katotohanan pero nakapagtataka: Bakit nga kaya ang hirap diretsuhin ang gusto mong sabihin at paikot-ikot na lang hanggang sa makapagsinungaling ka na....hay, magkakape na lang ako!

...sa susunod na paglalathala: Layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis. Pag-usapan natin ang.....

Friday, November 13, 2009

Babymaker

Sumaglit ang memorya ko kay Benjie. Nakilala ko siya nung nag-aaral ako ng drums. Ito iyong mga panahong pinagpapantasyahan ko ang 'teacher' ko na sayang lang kasi may asawa na..tapos anak (kamote!) Si Benjie ay teacher naman ng guitar at tuwing rehearsals, siya ang ka-jam ko habang inoobserbahan ako ng teacher kong rockstar (haaaay!) at binibilang ang mali ko sa bawat nota.



Pinangalanan ko siyang Babymaker. Paano ba naman, napakarami niyang panganay. Minsan nga, naitanong ko kung plano niyang magtayo ng 'sperm bank.' Hindi pa yata siya aware dun. Sa loob ng 2 buwan naging maayos naman ang samahan namin kahit na pahapyaw kung magpahiwatig ng saloobin. Mabuti na lamang at manhid pa ko non. Ang tanging naisip ko lamang ay ang kawalan ng 'sensibility' niya at mga tulad niya na gumawa ng bata ng parang wala lang. Nag-umpisa ang samahan namin sa isang gig at nagtapos din sa isang gig. Para bang isang awit na hindi tugma ang pagkakalapat ng nota kung kaya't hindi ko nasabayan ito at nasira na lamang ang plaka dahil paulit-ulit lang ang parte ng kantang hindi makausad sa koryo. Ilang samahan din ang laging ganito ang naging takbo sa tuwing may makikilala ako....nauumpisahan, nauudlot, nawawala, nasisira..laging walang maayos na katapusan. Sa maniwala man kayo o hindi, isa pa lang ang naging makabuluhan sa akin. Sa kasawiang palad, nauwi din sa wala..na parang meron (naman!)



Tapos sumaglit sa isip ko si Shella. Naalala kong nabanggit niya ilang taon na rin ang lumipas, na ang nais niya lamang ay magkaroon ng baby pero walang asawa. Sa edad na 17, hindi naging normal na ideya sa akin iyon. Kung iisipin, 1:3 ang 'ratio' ng populasyon ng lalake sa babae kaya maaaring may 'logic' ang kagustuhan niyang hindi na mag-asawa. Ngunit hindi naging praktikal ang ideya ng pagtataguyod ng isang bata nang mag-isa. Isa pa, malungkot iyon para sa akin. Sa madaling sabi, hindi naging mabenta sa akin ang sinabi niya dahil pangarap ko pa rin ng mga panahong iyon na magkaroon ng sariling pamilya. Pamilyang naaayon sa depinisyon ng "social norm."

Ilang taon ang lumipas para sa akin. Hindi ko na matanto kung sa bawat taong nakilala ko ay may natutunan ako sa buhay kasi maaring wala naman at hindi naman kailangan dapat ganon ang takbo ng pag-iisip ko. Pero inuudyukan ako ng aking nararamdaman...pakiramdam ko gusto ko ring magkaroon ng anak...na hindi kasama ang asawa. Habang naglalaro sa imahinasyon ko ang itsura ko, lalo akong natutuwa sa ideya na may inaalagaan akong bata at pinagmamasdan habang natutulog o kahit habang naglalaro. Natutuwa ako sa pakiramdam ng isang sanggol na nakasandal sayo habang hinehele mo sa pagtulog. Kaiga-igaya ang amoy nila..ang sarap panggigilan. Sa pagkakataong iyon, hindi mo na kailangan ng paliwanag kung bakit nawawala na lang ang pagod mo.

Kung bakit walang asawa? Wala lang. Pwede namang hindi magkaroon ng dahilan dito hindi ba. Pero sige, bahagya kong sasagutin. Una sa lahat, mahirap ang makisama. Sa ngayon ayokong gawing dahilan ang pagkakaroon ng anak upang mabuo ang isang pamilya. Pangalawa, pamilya pa rin namang maituturing ang ganong kalagayan dahil kung hindi, eh ano? Manghuhusga na lamang tayo ganon. Pangatlo, sa tingin ko wala pa akong makikilalang lalake na gusto na rin magkaroon ng baby..literal at retorikal na depinisyon ito!

Tinatamad na ko.

...sa susunod na paglalathala: Layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis. Pag-usapan natin ang.......

Wednesday, November 11, 2009

Braveheart

Heto at nagpaplano na akong lumipat sa aking bagong tirahan. Hindi naman masalimuot ang aking pakiramdam dahil handa na ako at 'excited' na rin. Ngunit may bahid din ng lungkot ang aking paglipat. Sa totoo lang mami-miss ko ang aking 2 kasama sa bahay na simula pa lang ay naging tagapagtanggol ko at naging takbuhan sa mga araw na alak lang ang katapat ng isang linggong pagkamuhi sa mga katrabahong ubod nang kulit o mga kapitbahay na ubod nang diwara.


Kay Junie na aking pinsan (pero Tito talaga): Sa mga panahong hindi mo makalimutan ang ilang taong pag-ibig mo ay sandamakmak na pakete ng Marlboro ang inipon mo. Hindi mo lang alam na lagi kitang pinakikinggan sa pinto ng kwarto dahil baka nag-suicide ka na. Aba, magpinsan nga tayo! Lakas at tibay talaga ng loob. Kung sabagay ang ganda niya kasi. Kahit ako natitibo sa kanya. Kahit ang katahimikan lang ang nag-uugnay sa atin sa mga panahong darating kang malungkot, masaya, may bisita, nagmamadali o ano pa man iyon, isa lang masasabi ko: MAKALAT KAYO..at MAKALAT na TAYO hehehe. Alam kong magiging masinop ka na dahil sa bago mong housemate. Saludo ako sa sa'yo. Kahit hindi ka umuutang sakin at madalas na ang kinukulit mo ay iyong ako dapat pero hindi nga ako, sa tingin ko nagkakaintindihan na tayo dun. Inuman na lang tayo sa unit ko. Ikaw ang maghuhugas ng pinggan ha? Iyong banyo linisin mo rin nang maigi at wag kalimutan ibaba ang toilet seat cover pagkatapos umihi.

Para bang hindi ko maiwan ang gusaling iyon. Kahit pa 'anonymous' ang persona ko sa mga taong nakapaligid doon ay sadyang nakasanayan ko na rin ang lugar na iyon. Nakasanayan ko nang utusan si Val na bumili ng shampoo pag naubusan na ako kahit ilang hakbang lang naman ang layo ng tindahan sa kinatatayuan ko. Nakasanayan kong may taga-bili ng pagkain kapag hindi ako nakapagluto. Nakasanayan kong pumunta sa Market! Market! kahit araw-araw pa iyon...walang anumang boredom ang nadarama dahil parang nasa compound lang at nakapambahay lang ako kung pumunta dun.

Independent-Dependent at back to Independence ang drama ng buhay ko sa aking paglipat. Mahigit 2 taon din akong naging "baby" ng 2 tao dahil na rin marahil sa kasarian. Nasanay akong inaabangan sa pag-uwi, pinauupo sa sofa at hindi sa sahig, pinagbibigyan ang kamalditahan at tinatapatan ng electric fan noong wala pang aircon. Hindi ko na yata mabilang ang pagpaparaya ng 2 ito. Siyempre, kahit paano ay nasuklian ko rin naman ang mga paglalambing nila. Nakapagluto naman ako ng ulam para sa amin. Nakapag-grocery din naman ako ng mga pagkain na lahat ay paborito ko. Nagawa ko rin namang maglaba ng damit natin (di ba?).

Sa bandang huli, isisigaw ko pa rin naman ang litanya ni Mel Gibson na "FREEDOM!" habang dumaraan ang alaala ng 2 taong naging makabuluhan ang partisipasyon sa aking buhay. Palalayain ang aking nadarama ng isang banat ng itak..hudyat na hindi pa roon nagtatapos ang lahat pero dun na nagtatapos ang pagiging "baby" ko. Nakapagtataka lang. Hindi ba't mas madalas umiyak ang sanggol kaysa sa mga nakatatanda? Hindi ba't mas matindi ang pangangailangan at pangungulila ng mga inaalagaan kaysa sa nag-aalaga? Sa mga oras na ito ay iniisip ko na lamang na panandalian ito. Hindi bale masaya pa rin naman ako.

....sa susunod na paglalathala: Layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis! Pag-usapan natin ang....

Tuesday, November 3, 2009

Monkey Business

Kuwentong Unggoy-ungguyan (Panawagan ng aking kaibigan)





Tuts: "Miss na kita." Ito'y araw-araw at walang kupas na itinetext ko sayo. Biruin mo, kahit na nakikita kita, hindi ko maisip kung bakit naiisip kita. Ang kaso, may naiisip din akong iba: ibang bagay, ibang sitwasyon, ibang panaginip, at ibang tao.





Unggoy: "Hehehehe..uuuuy miss niya ako. yahoooo" ____(Fill in the blanks)





Tuts: NR (No Response) _Iniisip ko kung naramdaman mo bang miss kita. Iniisip ko kung naniniwala ka ba kahit na alam mong magulo ako. Iniisip ko kung makikipaglaro na lang ba ako o seryoso ka pala. Iniisip kong umiwas dahil.....Iniisip kita.





Unggoy: "snob...suplada lang o" ____(Fill in the blanks)





Tuts: "Hindi naman...busy lang" Seryoso nga, busy ako. O kung minsan sadyang hindi talaga ako sumasagot pero hindi dahil ayaw kitang sagutin...iniisip nga kita e. Mas gusto ko lang sigurong kausapin mo ako.





Unggoy: "mis u my_____" ____(Fill in the blanks)



Bandang uwian na raw na eksena:



Unggoy: "Uwi na ako _____ko." ______(Fill in the blanks)_____



Tuts: "Ingat ka. I miss you." Kita mo. Miss na naman kita. Busy nga lang ako. Hindi ko masabing minsan nagseselos ako nang walang dahilan at lalo na...nang walang karapatan. Ayun nga, hindi ko masabi eh. Ayokong sabihin. Hindi ako sigurado kung tama ba o kung iyon na nga iyon.

Unggoy: (pagkatapos tumawag) "Gudnyt ____ko. Sana mapanaginipan mko hehehe" (Fill-in the blanks) .


Tuts: "Gudnyt prince charming ko" Hindi ko gustong sabihin ito. Pa-tweetums ang style, nakakairita. Pero ganon lang talaga siguro ka-cheesy ang isang tao pag dating sa nararamdaman. Inaasar ko nga sarili ko kasi corny na ko. Iisip na lang na panibagong tawag.




Saloobin daw ni Tuts: Sana puwede bumalik sa dati. Iyong parati akong tumatawa kasi mababaw ang kaligayahan ko pag dating sa corny jokes mo (promise!). Iyong Tuts lang ang tawag mo sa akin kasi dun lang ako napapangiti habang naiinis. Iyong coffee moment na walang pakialam sa ibang tao kahit pag-usapan pa tayo. Iyong ngumingiti kapag napapadaan at tumititig lang habang papalabas. Iyong inuman lang habang kinukuwento ang kanya-kanyang mga hinagpis sa trabaho. Iyong sana hindi natuloy ang lakad natin kasi naging 'weird' ang lahat na parang natatakot akong aminin na naging masaya ako. Iyong sana pwede pang bawiin ang mga nasabi kasi mood swings iyon eh. Iyong KJ ako pag hindi ko miss ang kiss mo at sinungaling ako pag di ko gustong maulit. Iyong sobrang gigil lang sa hug, nakakagat ko tenga mo. Iyong hindi nakakapanibago ang silence dahil alam nating busy tayo kaya mamaya na lang magtetext. Iyong puro kalokohan sa buhay pero tanggap dahil pareho mag-isip...unpredictable. Iyong hindi mo alam kung nauuto na kita kasi kunwari hindi ko alam iyong kanta...at nakakatuwa kasi kasunod non may kuwento kang dala. Iyong cheese roll ba yun galing sa probinsya na sana wala nang lengua db?! Iyong hindi ko pa rin matanggap na wala na ang Speedzone sa The Fort. Iyong walang commitment pero pwede kang makasama (malabo na naman! hahaha)



Oo Unggoy! Iyon na iyon..ewan ko lang kung hindi pa kita makumbinsing maniwala sa akin. Peace na tayo ha...Miss na kita eh...Bumalik ka na...Sige na naman o. Sasampalin ba kita ulit para magising ka na? O gusto mo papakagat ko na rin tenga ko para partida tayo. Malayo naman iyon sa bituka kaya hindi ako iiyak. Pero iiyak ako pag di tayo bati...(sheesh childish!)


....sa susunod na paglalathala: Layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis! Pag-usapan natin ang sagot ni Unggoy!

Monday, October 19, 2009

Amnesia

Si Sophie

Kararating ko mula sa isang bakasyon. Pagkatapos ihagis ang mga gamit sa kuwarto at mag-ayos ng sarili ay naisipan kong tumambay muna sandali bago umidlip. Nagpapang-agaw ang sari-saring ideya sa akin patungkol sa kung ano ang una kong gagawin. Nang makapagpasya na ako ay bigla akong nakatanggap ng isang tawag. Hindi ko alam kong dadamputin ko ito at sasagutin o hahayaan na lang hanggang kusa itong tumigil sa pagtunog. Sa huli, pinili ko ang una.

Nasa kabilang linya si Sophie. Mararamdaman mong magulo ang isip habang nangungumusta pero hindi pa naman tuliro nang lubusan. Nakapagtataka tuloy na iyon ang binigay na pangalan sa kanya dahil ang kahulugan non ay "karunungan." "Kamusta naman, Sophie,?!" may kung anong tono ko itong itinanong sa kanya. At sana ay hindi ko na lang naitanong dahil alam kong babalik na naman kami sa nakaraan. Ayoko nang bumalik dun pero sadyang ipinipilit ni Sophie na alalahanin ko ang mga kuwento niya:

"Alam mo ba, ang hirap talagang magtiwala....ang hirap magtiwala sa sarili. Naalala ko si Henry. Nasa kolehiyo pa lang ako nang makilala ko siya. Isang araw, sa dormitoryong aking tinutuluyan ay bumaba ako para manood ng telebisyon sa "lobby." Dahil marami nang tao sa gitna ay inisip kong umupo sa likod, katabi ng "vendo" para madali akong makakuha ng paborito kong Sprite habang nanonood. Hinila ko ang isang upuan papalikod at pumwesto upang makihalo sa kung ano man ang kinababaliwan nilang panoorin. Napansin ko ang isang lalake sa harap na napatingin sa akin. Marahil naistorbo ko siya nang hilain ko ang upuan kanina. Nginitian ko na lamang siya. Maya-maya ay tumayo siya at naglakad palikod na tila papunta sa kung saan ako nakaupo. Inisip kong baka bibili din ng maiinom sa vendo. Tama ako. Dala ang bento pesos, ay pumili siya ng Coke. Binuksan niya ito at humigop ng konti habang nakatayo at nakasulyap sa telebisyon. 'Familiar ka. Taga-UP Baguio ka ba? Nag-cross-reg ka rin dito sa Diliman?,' nasabi niya. Dahil ako lang naman ang nasa likod nang mga sandaling iyon ay tiyak kong ako ang kinakausap niya. Ngumiti ulit ako at tumango. Naglakad na siya paharap ngunit di ko inasahan na iyon ay dahil sa kukuha siya ng upuan at makikitabi sa akin. Sa totoo lang mas attracted ako sa mga lalakaeng mas matanda sa akin. Kapag kausap ko sila, ang dami kong nalalaman na bagay-bagay. Sa itsura pa lang ni Henry, may kung ilang taon din ang agwat namin.

Nang umupo siya sa tabi ko ay nagsimula na siyang magkuwento. Noong una ay nakakairita dahil nanonood ako pero sa huli, nang tinamad na rin akong sundan ang serye sa telebisyon ay nakinig na rin ako sa mga patutsada niya. Minsan may mga hirit din na swak para matawa ako. Sa huli nauwi naman sa maayos na kuwentuhan. Bitbit nya ang bagong biling tsinelas ay pinasuot nya sa akin. Marahil para malaman kong di hamak na malaki ang paa niya sa akin o para makita niya kung gaano ka-"petite" ang mga paa ko. Hay! Lumang style talaga....Hindi bale, nang gabing iyon nasambit niya kung gaano ka"cute" ang mga paa ko.

Ilang araw din ang lumipas na nagkikita kami at nagkakamustahan. Palibhasa, maldita na at medyo maria clara pa kung mag-isip (kaya mataas kuno ang expectations), lagi lamang ngumingiti. Gawain ko na yata ito kahit pangit ang kaharap ko. Wag lang akong popormahan kundi semplang na agad. May pagka-salbahe pa naman ako kung minsan. Isang araw, nagpasama siya sakin bumili ng ballpen. "Pambihira namang style 'to. Ang labo! Hindi ko magets, grabe," inisip ko habang nakangisi lang. Nang mga panahong iyon, madalas akong atakihin ng hika o kung hindi man, ng 'allergy.' Nabanggit niya sa akin na ililibre niya ako ng ice cream at hindi niya ako paglalakarin. Pumayag naman ako. Dala niya ang sasakyan niya, wala pa yatang isang daang metro ang layo ng dormitoryo sa bilihan ng panulat. Nagulat siya nang hindi ako sumakay sa harap. Pati nga ako nagulat din. Maria Clara o Tanga lang. Nasabi niya tuloy na mukha na daw siyang tsuper. Tumawa ako pero hindi pa rin natinag. Pagkatapos bumili ng panulat, nag-aya na siya sa 'grocery' para bumili ng 'ice cream'. Sa halip na sumang-ayon, tinuro ko sa kanya iyong mamang sorbetero sa daan. Matagal na rin naman akong hindi nakakatikim ng 'dirty ice cream.' Pumayag naman siya at nilibre niya ako. Kung minsan, lumalabas ang pagkabata ko. Tatahan ako sa ice cream, jelly ace at marshmallow. Kung kaya nang makiusap siyang sa harap na lang ako umupo ay tumango na lang ako.

Mula noon, sa tuwing nagkikita kami, feeling close na kami. Hindi ko makakalimutan ang araw na magpasama muli siya sa Katipunan. Naghahanap yata siya ng piyesa ng 'laptop.' Dahil wala naman akong gagawin nang mga oras na iyon at dahil hindi pa ako nakakarating sa Katipunan ay pumayag naman ako. Dala ulit ang minamanehong sasakyan, binagtas namin ang Katipunan at may kung ilang beses huminto sa tapat ng sari-saring 'computer shops.' Sa pang-apat na hinto ay naisipan kong bumaba na rin ng sasakyan at lumanghap ng mainit na singaw ng hangin...for a change (arte!). Sumunod ako sa loob para maki-usyoso. Habang nakikipag-usap siya, tingin lang ako nang tingin sa kung ano ang naka-display sa harap. Matapos iyon, ngumiti siya sa akin at inakbayan ako nang malumanay at panandalian. Sa mga oras na iyon, hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag ang mga nangyari. Palibhasa, puro mga lalaki ang mga kapatid ko kung kaya sanay akong sumasama at nakikihalubilo sa mga lalaki na para bang ang kasarian ko ay tulad nila. Maya-maya pa'y nag-aya na siya palabas. Pasakay na kami nang naitanong niya sa akin kung gusto ko dumayo sa Eastwood. Walang kaabog-abog na um-OO ako. Basta lakwatsa, hindi ako madaling umurong.

Nang makarating kami, isang mabilis na "Tara, inuman tayo" and sinabi niya habang pina-"park" ang sasakyan. Walang ideya sa posibleng mangyari sa gabing iyon ay tumango na naman ako. Dumiretso sa 'grocery' upang bumili ng beer at samu't saring pulutan, inihanda ko ang aking sarili sa matinding 'sanction' mula sa lady guard na nagbabantay ng dormitoryo dahil wala akong permit para sa pagiging late. Isa pa, lasing din akong uuwi kaya dagdag problema ito. Pero hindi naman ako masyadong naapektuhan dahil para sa akin, ako ay nagpapanggap na rebelde.


Ngunit may ilang kapusukan na nauuwi sa kapahamakan. Ito na rin ang magdudulot sayong maging manhid at mapang-duda sa iba.


Hindi ko maunawaan kung paano ko nagawang makipag-hawakan ng kamay kay Henry. Marahil nagsimula iyon sa muling pagsukat-sukat ng maliliit kong kamay na inilalapat niya sa kanyang mga palad. Ilang sandali pa ay nag-aya na siya pabalik sa UP. Habang tumatakbo ang sasakyan, panalong panalo ang sound trip. Ito iyong tipong magpapaalala sa'yo na masaya ang kalayaan. Na hindi mo tanaw ang nalalapit na pangamba sapagka't masyado kang namamangha sa paglaya.

Sunday, September 27, 2009

You give me something (Present Tense)

Tagalog Version (mula sa orihinal na awit ni James Morrison--w/ elements of wishful thinking)
Note: Maaaring maging senti o corny. Pahintulutan ninyo na lang. Sisikapin kong simplehan.

You want to stay with me in the morning
You only hold me when I sleep
I was meant to tread the water
Now I've gotten in too deep
For every piece of me that wants you
Another piece backs away

Masaya lang ako pag kasama ka
Kahit alam kong paalis ka na
Naiinis lang ako na sa ganitong paraan pa
Matatapos ang isang araw ko
Itetext ko pa ba sayo ang plate #
Ng taxi na sinasakyan ko
O sasabihin ko pa ba kung nakauwi na ako
Kung pag dating ko naman, tulog ka na


'Cause you give me something
That makes me scared, alright
This could be nothing
But I'm willing to give it a try
Please give me something
'Cause someday I might know my heart

Masaya ako sayo, masaya ka rin ba?
Walang patutunguhan, wala kasing umpisa
Ang mahalaga masaya tayo
Walang paki-alam sa iba, enjoy lang
Kasi hindi ko alam kung may balita bang
Dapat ipaalam o taong dapat makaalam
Basta masaya...masaya tayong magulo


You already waited up for hours
Just to spend a little time alone with me
And I can say I've never bought you flowers
I can't work out what they mean
I never thought that I'd love someone
That was someone else's dream

Naalala mo pa ba nang mahuli ka sa usapan?
Hindi bale, sobrang "advanced" kasi ang relo ko..pati AKO
Pero bumawi ka sa kuwento, sa hawak ng kamay mo
At yakap...kahit hindi ka nag-shave nang mabuti
Huwag na muna natin pag-usapan ang pag-ibig
Alam mo naman may nagbago nang pakiramdam
Pero ikaw, ako hindi pa rin nagbabago
Ganon pa rin tayo..mga loko-loko


'Cause you give me something
That makes me scared, alright
This could be nothing
But I'm willing to give it a try
Please give me something
'Cause someday I might call you from my heart

Nasabi ko na sayo kung ano kinatatakutan ko
Dahilan kaya utak ang lagi kong pinapairal
Pero masaya ako kaya isang pabor lang hihilingin ko
Wag mo muna akong sasaktan, masaya pa ako eh
Di ba ganito na rin naman ang gusto mo?
Wag mo akong sasaktan, masama akong magalit
Hahahaha...jokes (are half-meant,di ba?)


But it might me a second too late
And the words that I could never say
Gonna come out anyway

Pag nawala ka nang tuluyan, ok na iyon
May nahanap na rin akong iba
Hindi ako mag-aaksaya ng lungkot
Kasi naging masaya naman ako
Malulungkot lang ako kung may nasabi ako sayo
Na hindi mo na pala gustong marining
Kasi gaya ko, sawa ka na (ulit)...ako ready na (ulit)


'Cause you give me something
That makes me scared, alright
This could be nothing
But I'm willing to give it a try
Please give me something

Pero iyon nga
Ang ratio ng mga babae sa lalaki
Ay 1:3. May 2 pang pwedeng pagpilian
O may 2 pang maaring pumili
Hindi ko nga lang matitiyak kung mahihigitan ka nila
O kahit paano ay mapapantayan.
Sa ngayon, hindi ko pa kasi alam ang sagot
Basta magkaibigan pa rin tayo.


'Cause you give me something
That makes me scared, alright
This could be nothing
But I'm willing to give it a try
Please give me something
'Cause someday I might know my heart

Marami akong plano at sa mga susunod na araw
Nais kong makasama ka pa rin kahit paano
Ikukuwento ko pa rin sayo kung kanino ako naiinis
O kung sino ang kasama ko pag lumalabas
Hindi nga lang parati dahil baka magselos ka...Kaya?!
Sana magkuwento ka rin..kaso hindi ako umaasa.
Hindi ako umaasa, pinapaasa at balang araw
Matututunan ko din hindi mag-paasa


Know my heart, know my heart, know my heart

Basta masaya ako...tapos!

sa susunod na paglalathala: layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis! Pag-usapan natin ang.....?

Friday, September 25, 2009

Advisory: Light-Moderate-Heavy-Congested

Naitanong sa akin kamakailan lang kung bakit hindi ako pwedeng ma-in love. Sa totoo lang, maari naman mangyari ito ngunit mas pinilit ko lang isantabi ang posibleng maging sanhi ng aking pagkalito. Kapag sinabi mo ba sa isang tao "Mahal kita" o "Mahal na kita," eh ano na? Kayo na ganon?!?! (truthfully sarcastic na nagtatanong). At kung nasabihan ka ba na "I'm in love with you" o "I think I'm falling for you," ng taong gusto mo o mahal mo eh maniniwala ka na?!?! (desperately hopeful na nagtatanong). Sa totoo lang, palaisipan talaga eh.

Love Traffic Update:

1. Light: Maraming sasakyan. Iba't-ibang uri at mabilis na nagdaraan. Malaki ang layo nila sa isa't-isa kaya malabong magkabungguan ngunit hindi pa rin maiiwasan ang digrasya lalo na pag sobrang bilis ang takbo. Minsan, bihira lang ang nagdaraan. Minsan wala pa nga. Sa kabuuan, maaliwalas, hindi nakakainit ng ulo kung walang aksidente at kung hindi ka naghihintay nang masasakyan. Mabilis din na makakarating sa patutunguhan. Maari ding tumanda kang naghihintay o maari ding maging kuntento ka na sa kung sino man ang hihinto para sa'yo.


2. Moderate: Nagbabadya na ang namumuong kumpulan. Kadalasan, may bahagyang hinto sanhi ng ilaw trapiko (senyales sa susunod mong hakbang para aksidente ay maiwasan) o sanhi na mga nagtatawirang pasahero (pasaway lang na hahabol sa pagtawid o di kaya sasadyaing tumawid sa kabilang dako kahit alam mong pwede ka nang umusad). Ang tawag dito "obstacles" (balakid sa alin mang anyo o paraan--maaaring bagsik ni Inang kalikasan, lupit nang pagkawala ng bagay na nag-uugnay sainyo, o maari din PERA na tinalakay ko dati..hmmmm). Sa kabuuan, saktong "challenges" kung saktong kang mag-isip at mabilis kang kumilos para maka-iwas.

3. Heavy: Marami nang sasakyan at mainit na ang ulo ng ilan. Sabik na kasi silang makarating sa patutunguhan. Uso na ang gitgitan, palakasan ng busina, at marami na rin sumisingit. Dito mo na mapapansin ang salitang "detour." Suwerte ka na lang kung makaabot ka sa iyong patutunguhan sa tamang oras. Mas lalong swerte kung late ka lang ng ilang minuto. Swerte ka kung sa "detour" eh mauunahan mo ang iba o baka naman mahaba na rin pala ang pila. Malas mo lang kung sa "detour"makahanap ka pa ng "disaster" (mananakawan, makakahanap ng katapat, o mapapatay...talo ka!) Sa kabuuan, mahirap, kumplikado pero nasa saiyo kung magssound trip ka na lang habang naghihintay o itututok mo ang aircon sa mukha mo para "cool" ka lang. Pasasaan pa ba't dun din lang ang punta mo. Maliban na lang kung magbago ang isip mo.

4. Congested: Dead-end. Mamatay ka na!

Naku katatapos lang ng bagyo sa Pinas! Napanood ko ang isang video ng mga inaanod na sasakyan. Nasambit ko tuloy, "Kaawa-awa naman iyong mga nawalan ng sasakyan." Bigla nga lang ako natigilan. Mas kaawa-awa naman ako dahil wala pa akong sasakyan....kelan kaya ako magkakaroon? Iyong maituturing kong lisensyado at ako ang lihitimong may-ari. Iyong hindi ko kailan man ibebenta sa iba kasi alam kong mahalaga siya at hindi lang pangkarera o pampasada. Iyong seryoso akong alagaan kahit magsawa akong tignan o makasanayan kong laging kasama. Iyong imamaneho ko pa rin kahit "depreciated" na. Iyong mangungulila ako dahil coding kaya hindi ko isasama sa aking lakad. Iyong kay Melay lang....hay kelan kaya? Hmmmp! Makasarili lang...wala kasing ganon (nega mode).


sa susunod na paglalathala: layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis! Pag-usapan natin ang.....?

Thursday, September 10, 2009

Dampa (baboy, manok, aso, palaka, at ang pusa)

Nang mamatay ang isang taong malapit sa akin, bigla kong naisip na gumawa ng "eulogy" para sa bawat myembro ng aking pamilya. Sa mga mapamahiin, ikinagagalak kong sabihin na wag ninyo na lamang basahin ito dahil hindi ko nais hilingin ang kamatayan nila sa pagsabi ko ng aking saloobin. Sa palagay ko, gusto ko lang sumulat...tapos!

Ang dami ko na yatang pinalagpas na pagkakataon simula nang lumisan ako sa bahay, humigit kumulang apat na taon na ang nakalilipas. Naglalakbay ang alaala ko sa panahong ang pawis ay may katumbas na pagpapahalaga, pang-unawa, at pagmamahal...sa panahong ang tanging matatakbuhan mo ay ang lugar na pilit mong tinatakasan. Sa kabila ng kakayahan ng aking mga magulang na mapag-aral kami sa mga pribadong paaralan, lumaki kami na sanay sa salitang "Hirap." Bata pa lamang ako, nauunawaan ko na na kapag may nawawalang gamit sa bahay, may kapalit na balita. Masarap balikan ang alaala dahil dito nabuo ang layunin naming umunlad..patungo na rin dun..wala pa nga lang sa kalahati.

Si Papa...ano pa eh di mataba, ma-pride, lihim na naninigbak, konserbatibong seryoso pero tamang "cool" lang. Hindi ko na mabilang kung ilang beses kami nagtalo dahil magka-iba ang aming pananaw sa pulitika, trabaho, sa estado ng buhay, sa pera at sa kung saan-saan pa. Naalala kong ang pinakamatindi naming hidwaan ay naging dahilan ng pag-alis ko sa bahay. Hindi ko kailan man pinagsisisihan ang paglisan ko kahit na halos buong kuwarto ko na yata ang bitbit ko at mistulang Hercules lang ang drama dahil pinilit kong buhatin ito papasok ng taxi. Ininda ko na ang sakit dahil sa isip ko ay sobrang malakas ako. Papa's girl ang kadalasang bansag sa mga nag-iisang anak na babae at dahil na rin sa pagiging malapit nila sa kani-kanilang ama. Natitiyak kong ang panukat non ay di lamang batay sa pagiging magkasundo pero sa antas ng respeto. Kung meron man akong natutunan sa kanya ay ito: Natutunan kong walang silbi ang pride kung hindi mo alam ang respeto. Natutunan kong wag lumingon sa nakaraan pero tumanaw ng utang na loob. Natutunan kong masyado niya kaming minahal kaya gagawin niya ang lahat...isang bagay na hindi ako sang-ayon ngunit hindi ko ikakahiya.

Si Mama...ano pa eh di payat, OC-OC, makadiyos, at laging tumitilaok. Naalala ko tuloy nang ipinagkanulo ni Pedro si Hesus. Hindi ba't tatlong beses tumilaok ang manok?! Kung si Mama iyon, baka higit pa dun, half-day pa lang. Pero maiba tayo. Masasabi kong naging malapit lang ang loob ko skanya nung nasa kolehiyo na ako. Tama. Isa siya sa mga Ina na ubod ng OC-OC sa maraming bagay. Halimbawa, kung balak mong ipalaba ang damit mo sa kanya, dapat may 2 layunin ka: Nais mo bang pumuti ang damit mo o mas maayos ito? Alin man dun, wag na wag mong ipapalaba ang branded mong damit dahil hindi siya bilib sa washing machine. Samakatuwid, ang kalalabasan ay ito: Malinis, mabango, pero loose...hayst! Galing sa lahi ng OC-OC at puro mga babae, militar kung militar ang training. Kung meron man akong natutunan sa kanya ay ito: Ang disgrasya ay hindi dahilan upang pagsisihan mo ang naging buhay mo. Natutuwa naman akong malaman na mas pinili nilang isantabi ang pag-aaral kaysa sa responsibilidad...oo, pag-aaral para sa responsibilidad...dahil ang edukasyon ay hindi konseptong nakakulong sa apat na sulok ng paaralan. Natutunan ko rin sa kanya na hindi naman dapat pilitin ang utak na intindihin ang kabuuan ng Diyos dahil para ano pa't naging Diyos siya kung nauunawaan mo ang lahat sa kanya? At natutunan kong magpa-cute sa camera dahil sobrang camera shy siya...oo, sobra!!!!

Saturday, August 29, 2009

Jackpot price: Kirot o Kilig?

Kung oobserbahan mo, maaalibadbaran kang pakinggan ang pag-uusap ng 2 taong nagkukulitan pero pa-simpleng walang feelings. Bakit?

1. Kasi pwedeng insecure ka! Wala ka kasing kausap kaya magdusa ka na lang dyan kahit gaano ka cheesy ang marining mo.
2. Nagdaan ka na dyan kaya sanay ka na. Malapit ka na nga lang magsawa kaya naiinis kang pakinggan ito nang paulit-ulit.
3. Eh sobra-sobra naman kung magharutan si Eba at Adan, talagang namumuro na!
4. May isa pa, nakalimutan ko lang.

Mahirap talagang magtapat lalo na kung ang dami mong alam at nararamdaman. Sa sobrang dami kasi, hindi mo alam kung alin dun ang sasabihin, kelan sasabihin, paano sasabihin, saan mo sasabihin at higit sa lahat BAKIT mo nga ba sasabihin?! O eh bakit nga ba?

Hay wala pang Pebrero pero umuulan na naman ng pag-ibig at pagkabigo! Sa pagkakataong ito ay sadyang natutuwa ako sa 2 taong nakilala ko---Tama, si Ebang Kilig at si Adan Kirot (note: interchangeable surnames). Buhat ng kumain ng bunga sa Tree of Knowledge ay nagkaroon ng kamalayan at karunungan. Sapat at sobrang mga dahilan para makaisip ng kung anu-anong alibi para umiwas sa isa't-isa at sa namumuong pagtitinginan (ang cheesy!) Kung sabagay, parang isang poker game lang ito...hintayan kayo

12:50pm na sa dako ng mundo kung saan malapit nang maubos ang taho na gawa sa Pasig; kung saan mainit pa ang ulam sa karinderiya at sasamantalahin mo ang pagkakataon dahil bagong luto ito; kung saan maaalala mo ang nakaraan na pangyayari sa EDSA , kung saan 3 street signs ang masasalubong mo sa daan: Stop, Wait o Go; at kung saan sa loob ng 18 oras wala pa akong tulog.

Maglalakwatsa muna ako.


(pang-asar na kanta..disclaimer: hindi ko video ito)

..sa susunod na paglalathala: layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis! Pag-usapan natin ang....?

Wednesday, August 26, 2009

Aanhin pa ang damo, Kung nahithit mo na 'to

Wala ako sa tamang ulirat. Malabo na yata ang pag-iisip ko dahil hindi ko alam kung ano ang gusto kong gawin. Ganun pa man, heto at sinusubukan kong sumulat.

Ang una kong problema ay bahay. Maka-ilang libong ads na yata sa internet at dyaryo ang siniyasat ko para makahanap ng malilipatan bago matapos ang susunod na buwan. Buhat nang magsarili ako, ito ang isa sa pinaka-ayaw kong gawin bukod sa kausapin at makipagtalastasan sa landlady ko tungkol sa kapit-bahay kong hindi pa nagbabayad ng renta. Nakakainis! Balak ko pa namang gayahin sila sa buwan na ito. Hindi bale na nga! Mahirap maghanap ng bahay na maayos, malinis, ubod nang mura at walang mga pakialamerang tsismosa...palagay ko wala talaga akong mahahanap, di ba?

Ang susunod kong problema ay pangarap. Pala-isip kasi ako. At dahil dyan ang salitang "daydream" ay pang night-shift din para sa akin. Marami akong gustong gawin sa buhay at lahat iyon, nais kong mangyari ngayon na. Kung hindi ba naman ako sobrang nagmamadali sa buhay! Madalas tuloy sabihin sa akin "Patience is a virtue, Melay" at syempre tatawa lang naman ako. Hindi ko kasi maintindihan kung ano ang virtue...pero kung itatanong mo sa akin ang pangarap, naku baka humaba nang husto ang blog ko, wala nang magbasa.

Pag-ibig o ang mas maigi sigurong salita ay relasyon, ay isa rin sa aking problema. Ngunit wala nga ako sa tamang ulirat kung kaya't humakbang tayo sa susunod.

PERA..oo pera ang pag-usapan natin. Para bang delubyo lang kung dumaan ito sa palad ko. Hanep sa bilis, pero nakakawasak talaga ng damdamin lalo na pag alam mong paubos na ito at hindi kaya ng pride mong humiram ng pera sa iba.

Tiyak kong napakaraming tao ang may problema sa pera. Kahit nga ang presidente ng bansa na gumastos ng milyun-milyon para sa isang salu-salo ay may malaking problema sa pera...sobrang galit eh! Tanong nga ng iba, bakit kaya hindi na lang gumawa ng sangkatutak na pera ang Bangko Sentral at ipamahagi ito sa mga mahihirap na tulad ko? Para lahat tayo kumain sa New York!

Dalawang ideya ang ibabahagi ko sainyo: Supply and Demand at layunin ko na maunawaan natin kahit konti ito. Heto na:

Madalas kong maamoy noon ang di pamilyar na uri ng halaman na animo'y barbeque lang kung makatawag-pansin. Ganito ang pakiramdam: Masarap pero bawal. Isipin niyo na lang na nasa magandang bahay aliwan kayo: May 2 Supply ng sosyalerang chicks na ubod ng kinis at ganda. In short, class A. May 1 lalaki na may sampung libo ang magde-Demand ng isang babae. Ang tawag dito sa ekonomiya ay deflationary gap. Bakit? kasi mas mataas ang Supply kaysa sa Demand. Ang epekto: Maaaring bumaba ang presyo ng isang babae at maaring lugi pa siya sa inabot niyang gastos sa pagpaparetoke..hehe. Kaya iyong sampung libo ng lalaki ay tumataas ang value. Hanggang sa maaring buy 1 take 1 na lang (ice cream?!) Ngayon, kung ang Demand naman ay mas mataas sa Supply, halimbawa, 5 lalaki ang may tag-sampung libo, ang tawag dito ay inflationary gap. Kung ganon, mas bumababa ang value ng sampung libo, dahilan upang magtaas ng presyo ang 2 chicks (nice!). Maaaring kiss na lang sa sakong ang pwede mong makuha kapalit ng pera mo. Bitin di ba?!---Samakatuwid, kung lahat ng tao ay bibigyan mo ng pera, kikita ang mga puta (paumanhin po). At pag kumita ang mga puta (paumanhin ulit), wala ka nang pera. Hay delubyo!

Biglang tumunog ang cellphone ko. Sumagi na tuloy sa isip ko na kailangan ko palang pumasok. EXCITED si Melay! Ayun at naglalakbay na naman ang diwa ko. Habang gumagayak ako ay nakatanggap ako ng mensahe sa cellphone. Sa tuwa ko ay dali-dali ko itong dinampot. Tadhana nga naman o, panalo:

"This is a reminder. Please pay your bills on or before August 31, 2009 to prevent incurring late fines. Thank you"


..sa susunod na paglalathala: layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis! Pag-usapan natin ang....?

Friday, August 21, 2009

Fallen Angel

Makulimlim sa labas nang umalis ako ng bahay. Parang nagbabadyang umulan. Pero dahil wala akong payong ay hindi ko na lang pinansin ang mga maiitim na ulap na nagkukumpulan sa dako pa roon. Mas importante para sa akin ang itago ang namumugtong mata ko dahil sa puyat at alak..hmmmm...kaya? Isa pa, may trabaho ako ngayon kaya kahit di ako mapalagay, sugod lang sa kung saan man dadalhin ng metro ng taxi ang isang daang pera ko.


Ang kauna-unahang liham

Agosto 22, 2009, 2:38AM MLA

Mahal,

Sa tingin ko ay sasang-ayon ka sa akin kapag sinabi ko sayong ito ang kauna-unahang sulat ko sa'yo. Naalala ko pang ang "paper roses" ay naging katotohanan sa isang pakete ng sigarilyo na noon ay madalas mong dala at mabilis mong inuubos ang laman.


Sa normal na sitwasyon at marahil dala na rin ng tamang edad, masasabi kong hindi na sumagi sa isip natin ang magsulatan dahil ang "penpal" ay para lamang sa mga naghahanap ng asawa. Ang ating paraan ay naiiba: text lang kung magbiruan at sa inuman lang ang pakikipagkaibigan. Dati, halos mag-apoy na ang telepono kung mag-usap tayo at pansin kong maya't maya ay labas nang labas ng kuwarto si Papa habang hindi malaman kung ikukunot ang noo niya o makikiusyoso sa atin. Naalala kong sinalo mo ako sa isang desisyon na kung pinili ko ay hindi ko sana maisusulat 'to sa umpisa pa lang.


Sa halos 5 taon ay masasabi kong naging maayos ang lahat. Sa sobrang ayos, ito ang naging dahilan ng kumplikasyon. Bagama't may mga bagay na hindi natin gustong intindihin, ito naman ay natutunan at matututunan nating tanggapin. Naisip kong mas magiging malinaw ang lahat balang araw. Samakatuwid, "kung tayo, tayo."


Ilalathala ko lamang ang mga bagay na ipagpapasalamat ko nang lubusan. Sa totoo lang 99% ng kahusayan, paglalambing, pagsunod, at pang-unawa ay galing sa'yo. Aray naman! Pero iyon ang totoo. Ngunit isa lang ang tiyak ko: Ito'y bunga ng aking personalidad at hindi dahil sa pananamantala. Naging daan tayo sa isa't isa para sa hindi mabilang na pagkakataon. Sa mga panahong ang pagkawala ng cellphones ko ay dahil sa aking katangahan, lagi kang may extra! Sa mga araw na ang "mood swings" ay laging konektado sa pagkababae, lagi kang may haplos na may salitang, "sorry na" kahit ang kaaway ko eh ang sales lady na laging "wala na po" ang sagot. Sa mga segundong lagi akong may pabaong katarayan, lagi kang tumatawa...kaya lalong kumukulo dugo ko sayo!!!! Sa mga panahong kalog ako, marunong kang sumabay. Sa mga araw na nagagandahan ako sa isang chicks, laging mas sexy ako para sayo...aaaay, sweet! Sa mga araw ng sweldo, lagi kang one day billionaire pero hindi ka nauubusan ng pera...kainis! Sa mga OTY moments ko noon, lagi mo akong sinusundo kahit walang dalang kotse. Sa mga inuman natin, lagi kang talo...o, blog ko 'to ha! Sa lahat-lahat, minahal kita (yun eh).

Balitaan mo ako paminsan-minsan. Kapag buo na ang isip mong umalis ng bansa, alam mo naman kung saan ka magpapadala. Higit sa lahat, kung sakaling mapadaan ang alaala mo sa akin, sana ngumiti ka at wag kang luluha.

-Melay-

Naglalakad ako pauwi nang biglang nagsimulang umulan. Sabi ko sa sarili ko, "Kaya mo yan." Pasakay na ako ng taxi ng biglang pumatak ang ulan sa aking mata at tumulo ito pababa sa pisngi. Nasabi tuloy ng driver, "Ok ka lang, miss?"

..sa susunod na paglalathala: layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis! Pag-usapan natin ang....?

Wednesday, August 19, 2009

Con-plik! (snap) of Interest

Malalim ang gabi at tila di ko na yata pansin ang tumatakbong oras na sadyang nakapagtataka dahil hawak ko ang cellphone ko at maya't maya ay tinitignan ko ito. Naalala kong utang ko sa isang tao ang artikulo ko ngayon. Ayoko siyang itago sa isang pangalan ngunit ayoko rin naman sabihin kung sino talaga siya sa dahilang mas nakakaaliw kung babasahin o maririnig mo ang pag-agos ng interpretasyon. Sa madaling sabi, tinutupad ko lamang ang layunin ng blog na ito: Humakot ng maraming kuwento at tsismis!

Nakilala ko siya sa isang pulong (ingles: meeting) na noong una ay itinuring kong mababaw ang pagkakaplano. Sinubok na naman ako ng pagiging metikulosa ko pero dahil ayokong gumawa ng eksena, ay isinantabi ko na lang ang aking saloobin. Mahusay naman ang paraan ng pagpapakilala bagama't hindi naman nasagi sa isip ko ang ideya ng pagka-ulayaw. In short, walang kilig!

May kung ilang sulyap ang nakuha ko sa kanya at siyempre, naibigay ko rin naman dahil kapansin-pansin ito sa tuwing magsasalubong ang aming landas; bagay na normal at hindi dapat pinalalaki...hmmm, kaya? Ngunit sa isang pagkakataon, habang wala akong kausap ay lumapit siya at nakipag-kuwentuhan.

Sa tagal at dami ng pagkakataong nagkuwentuhan kami, sa huli ay isang bagay lang ang malinaw para sa akin: Patay-mali-sya! (snap). Bakit? Kasi:

1. Kamusta naman ang unang tanong (ayon sa pagkakaintindi ko)
So alin ka sa 2: May bf pero sa huli nawawalan, o single pero sa huli nagkakaroon?

2. Ngingiti siya na para bang may gustong sabihin pero dadaan lang kasi hindi maumpisahan

3. Nahuli kong tumitingin pero ayun nga, hindi ko alam kung bakit at kung para sa katabi ko yung lalaki.

4. Kaibigan ko siya sa Facebook, pero kung lalim ng koneksyon ang tatanungin, parang sinulid lang na madaling mapigtas. Siguro, sa susunod na mga araw, maaring lubid na rin.

5. Mahilig magkuwento pero malabong kausap. Minsan iisipin mo na lang na pag tumawa siya, ayun masaya pala ang pinag-uusapan ninyo.

6. Kulang ang isang oras para matawag niya ako sa iba't ibang pangalan.

7. Malambing pero natitiyak kong ganun siya sa lahat...tsk tsk tsk Kamote!

8. Marunong humingi ng patawad...over the phone?!?!

9. Pang-ilang beses niyang uulitin sayo na maligo ka.

10. Dalawang beses ko na rin siyang binabaan sa telepono.

Hindi ko maunawaan ang taong ito. Siguro dahil na rin sa hindi niya ako kayang unawain. Kung minsan, may mga bagay na nais mong mangyari pero hindi mo kontrolado. May mga bagay na habang inaayos mo ay mas nagiging kumplikado. May mga akala na katotohanan pero hindi mo pwedeng subukan. May mga pahapyaw na mensahe pero takot kang masaktan o maisahan. May mga oportunidad nang nakalaan pero hindi akma sa sitwasyon. May bukas pa pero nakapanghihinayang ang kahapon. May CHANCE pero walang CHOICE. At may oras pa ako para matulog pero mas pinili kong mag-blog.

Sa ngayon ay nabawasan ang inspirasyon kong sumulat. Ilang oras na lang at papaalis na ako ng bahay, umaasang ang babagtasin kong landas ngayong gabi ay makabuluhan. Sa dami-dami ng pwede kong isipin, ang sumagi na tanong sa akin ay ito: Magpapalda ba ako?

Kikay...go!

..sa susunod na paglalathala: layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis! Pag-usapan natin ang pera!

Tuesday, August 18, 2009

Facade

"Masaya ako." Ilang beses ko na yatang sinabi to at maka-ilang ulit ko na ring ipinilit isaksak sa kukote ko na hindi ako malungkot. At tama naman, dahil may ilang bagay na nagpapasaya sa akin.

Naalala ko tuloy nang lumabas kami ng kaibigan ko. Isang litanya na naman ang iniwan niya sa akin. Ayun sa kanya, ako daw iyong tipo ng tao na ubod nang LABO. Kung ang ibang tao ay pinipilit ayusin ang gulo, ako daw, gumagawa naman nito. Napangiti na lang ako habang tuloy-tuloy na sinisipsip ko ang bottomless iced tea na para bang kasabay non ang paglunok ko sa natitirang pride na nakabara sa lalamunan ko. Mahirap gawin iyon pero himalang kalahati ng baso ang naubos ko kung kaya't nilapitan na naman ako ng waiter para i-refill ito. Kamusta naman, di ba?

Sa hinaba-haba ng usapan, nagawa ko pa rin isingit ang Facebook. At bakit naman hindi. Para sakin, katulad siya ng isang bahay aliwan: Ang antas ng kaligayahan ay depende sa kung ano ang gagawin mo. Animo'y isang hula sa tarot card ang lumabas na inuudyukan akong bumalik sa nakaraan.

Ang Facebook ay hango sa pangalan ng class book ng isang school sa America. Hindi nakapagtatakang ang social networking website na ito ay binuo ng mga burgis na geeks ng Harvard University. Ibang klase talaga ang utak nila! Samakatuwid, mula sa pagiging memorabilia, ay naging daan ito para ma-adik ako sa Farm Town, Mafia Wars, at sa sandamakmak na pagsusulit (ingles: quizzes).

Pero ang personalidad ko ay tungo sa pagiging metikulosa, o marahil sa pagiging nega. Alin man sa dalawa, natatandaan kong hindi ako sang-ayon sa social networking dahil bumubuo lamang ito ng daan para sa isang bahag-hari: makulay, mataas at mahaba pero isang ilusyon. Maari mong sabihin na ikaw ay konektado sa isang tao at magkaibigan kayo pero subukan mong kilatisin at malalaman mong hindi sapat ang dami ng pangalan para masabi mong konektado ka dahil ang koneksyon ay hindi sa dami kundi sa lalim. Wow! wala akong masabi. Hindi ko rin kayang ipaliwanag kung bakit kasama na ako sa Facebook. Basta, sa dahilang nais kong magparamdam, ay pinili kong isantabi ang aking opinyon.

Sa ngayon, nasa Level 23 na ako ng Farm Town at kunwari'y haciendera lang. Naisip ko tuloy na ang salitang burgis (french: bourgeoisie) ay angkop na sakin. Hindi bale, ilusyon lang naman. Isa pa rin akong proletarian (manggagawa). Isang palipad hangin ito para sakin. Marahil, alam ko kasi ang katotohanan pero mas gusto kong umiwas sa spekulasyon kung kaya't ang pinaka prominenteng anggulo ng emosyon ko ang pinili kong ipakita.

Kaya masaya ako.

Mag-aalas onse na at hindi pa rin ako natutulog. Hinihintay ko pa rin na ang wall post ko ay matupad. O marahil, umaasa na ang comment ng ilan ay makapagpapabago ng nararamdaman ko.


..sa susunod na paglalathala: layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis! Pag-usapan natin ang....?

Monday, August 17, 2009

Tamang Ulirat

Isa lang naman ang dahilan kung bakit nabuo ko ang blog na ito: Humakot ng maraming kuwento at tsismis! Hindi rin naman kaila na ang pagbuo ng istorya ay mahirap ngunit susubukan kong gawin ito.

Nung una ay nais kong palawakin ang kamalayan ng mga babasa dito. Nag-iisip na nga ako kung ano ang una kong ilalathala sa web. Marahil, ito'y tungkol sa pulitika, ekonomiya, sikolohiya, teknolohiya, ideyolohiya at kung ano-ano pang pampa-angas na usapin na sa una'y magbibigay yabang sa kung anong klaseng kamalayan ang meron ako. Ngunit napansin kong nabobobo na ako at wala akong ibang masabi sa buhay. Isa na lamang akong palaisdaan...artipisyal at nababalot ng lumot. Kaya pala hindi ko maumpisahan. Naalala ko tuloy ang isang kataga sa Latin na madalas sinasabi sa amin ng guro ko nung high school sa parehong subject:

"Nemo dat quod non habet."--No one can give what he does not have.

Isang malaking patama lang naman ito. O marahil isang "wake-up call" na ang buhay ay hindi parte ng ngunit ito mismo ay pagbabago. Ang alam mo noon, maaring humantong sa isa sa 3 bagay:

1. Ang alam mo noon, hindi mo na alam ngayon
2. Ang alam mo noon, hindi na kaalaman ngayon
3. Wala ka nang alam

Hindi ko na sasabihin pa kung alin sa tatlo ako bumagsak. Kasabay ng pagpasok sa mundo ng mga manggagawa, naramdaman ko ang "rite de passage" ay paurong para sakin. Kung sabagay, ilan nga lang bang magkaka-interes kausapin ka pag dating sa edukasyon. Mangilan-ngilan lang ang tatagal sa usapin dahil mas interesado silang malaman kung virgin ka pa o hindi.

Kakatuwang isipin na nahanap ko ang dahilan para sumulat ulit sa panahong nagugulumihanan ako sa isang relasyon at ang kapeng iniinom ko ay sobrang mahal, daan para sulitin ko ang epekto nito: Pagkagising!

...sa susunod na paglalathala: layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis! Pag-usapan natin ang Facebook.