Si Sophie
Kararating ko mula sa isang bakasyon. Pagkatapos ihagis ang mga gamit sa kuwarto at mag-ayos ng sarili ay naisipan kong tumambay muna sandali bago umidlip. Nagpapang-agaw ang sari-saring ideya sa akin patungkol sa kung ano ang una kong gagawin. Nang makapagpasya na ako ay bigla akong nakatanggap ng isang tawag. Hindi ko alam kong dadamputin ko ito at sasagutin o hahayaan na lang hanggang kusa itong tumigil sa pagtunog. Sa huli, pinili ko ang una.
Nasa kabilang linya si Sophie. Mararamdaman mong magulo ang isip habang nangungumusta pero hindi pa naman tuliro nang lubusan. Nakapagtataka tuloy na iyon ang binigay na pangalan sa kanya dahil ang kahulugan non ay "karunungan." "Kamusta naman, Sophie,?!" may kung anong tono ko itong itinanong sa kanya. At sana ay hindi ko na lang naitanong dahil alam kong babalik na naman kami sa nakaraan. Ayoko nang bumalik dun pero sadyang ipinipilit ni Sophie na alalahanin ko ang mga kuwento niya:
"Alam mo ba, ang hirap talagang magtiwala....ang hirap magtiwala sa sarili. Naalala ko si Henry. Nasa kolehiyo pa lang ako nang makilala ko siya. Isang araw, sa dormitoryong aking tinutuluyan ay bumaba ako para manood ng telebisyon sa "lobby." Dahil marami nang tao sa gitna ay inisip kong umupo sa likod, katabi ng "vendo" para madali akong makakuha ng paborito kong Sprite habang nanonood. Hinila ko ang isang upuan papalikod at pumwesto upang makihalo sa kung ano man ang kinababaliwan nilang panoorin. Napansin ko ang isang lalake sa harap na napatingin sa akin. Marahil naistorbo ko siya nang hilain ko ang upuan kanina. Nginitian ko na lamang siya. Maya-maya ay tumayo siya at naglakad palikod na tila papunta sa kung saan ako nakaupo. Inisip kong baka bibili din ng maiinom sa vendo. Tama ako. Dala ang bento pesos, ay pumili siya ng Coke. Binuksan niya ito at humigop ng konti habang nakatayo at nakasulyap sa telebisyon. 'Familiar ka. Taga-UP Baguio ka ba? Nag-cross-reg ka rin dito sa Diliman?,' nasabi niya. Dahil ako lang naman ang nasa likod nang mga sandaling iyon ay tiyak kong ako ang kinakausap niya. Ngumiti ulit ako at tumango. Naglakad na siya paharap ngunit di ko inasahan na iyon ay dahil sa kukuha siya ng upuan at makikitabi sa akin. Sa totoo lang mas attracted ako sa mga lalakaeng mas matanda sa akin. Kapag kausap ko sila, ang dami kong nalalaman na bagay-bagay. Sa itsura pa lang ni Henry, may kung ilang taon din ang agwat namin.
Nang umupo siya sa tabi ko ay nagsimula na siyang magkuwento. Noong una ay nakakairita dahil nanonood ako pero sa huli, nang tinamad na rin akong sundan ang serye sa telebisyon ay nakinig na rin ako sa mga patutsada niya. Minsan may mga hirit din na swak para matawa ako. Sa huli nauwi naman sa maayos na kuwentuhan. Bitbit nya ang bagong biling tsinelas ay pinasuot nya sa akin. Marahil para malaman kong di hamak na malaki ang paa niya sa akin o para makita niya kung gaano ka-"petite" ang mga paa ko. Hay! Lumang style talaga....Hindi bale, nang gabing iyon nasambit niya kung gaano ka"cute" ang mga paa ko.
Ilang araw din ang lumipas na nagkikita kami at nagkakamustahan. Palibhasa, maldita na at medyo maria clara pa kung mag-isip (kaya mataas kuno ang expectations), lagi lamang ngumingiti. Gawain ko na yata ito kahit pangit ang kaharap ko. Wag lang akong popormahan kundi semplang na agad. May pagka-salbahe pa naman ako kung minsan. Isang araw, nagpasama siya sakin bumili ng ballpen. "Pambihira namang style 'to. Ang labo! Hindi ko magets, grabe," inisip ko habang nakangisi lang. Nang mga panahong iyon, madalas akong atakihin ng hika o kung hindi man, ng 'allergy.' Nabanggit niya sa akin na ililibre niya ako ng ice cream at hindi niya ako paglalakarin. Pumayag naman ako. Dala niya ang sasakyan niya, wala pa yatang isang daang metro ang layo ng dormitoryo sa bilihan ng panulat. Nagulat siya nang hindi ako sumakay sa harap. Pati nga ako nagulat din. Maria Clara o Tanga lang. Nasabi niya tuloy na mukha na daw siyang tsuper. Tumawa ako pero hindi pa rin natinag. Pagkatapos bumili ng panulat, nag-aya na siya sa 'grocery' para bumili ng 'ice cream'. Sa halip na sumang-ayon, tinuro ko sa kanya iyong mamang sorbetero sa daan. Matagal na rin naman akong hindi nakakatikim ng 'dirty ice cream.' Pumayag naman siya at nilibre niya ako. Kung minsan, lumalabas ang pagkabata ko. Tatahan ako sa ice cream, jelly ace at marshmallow. Kung kaya nang makiusap siyang sa harap na lang ako umupo ay tumango na lang ako.
Mula noon, sa tuwing nagkikita kami, feeling close na kami. Hindi ko makakalimutan ang araw na magpasama muli siya sa Katipunan. Naghahanap yata siya ng piyesa ng 'laptop.' Dahil wala naman akong gagawin nang mga oras na iyon at dahil hindi pa ako nakakarating sa Katipunan ay pumayag naman ako. Dala ulit ang minamanehong sasakyan, binagtas namin ang Katipunan at may kung ilang beses huminto sa tapat ng sari-saring 'computer shops.' Sa pang-apat na hinto ay naisipan kong bumaba na rin ng sasakyan at lumanghap ng mainit na singaw ng hangin...for a change (arte!). Sumunod ako sa loob para maki-usyoso. Habang nakikipag-usap siya, tingin lang ako nang tingin sa kung ano ang naka-display sa harap. Matapos iyon, ngumiti siya sa akin at inakbayan ako nang malumanay at panandalian. Sa mga oras na iyon, hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag ang mga nangyari. Palibhasa, puro mga lalaki ang mga kapatid ko kung kaya sanay akong sumasama at nakikihalubilo sa mga lalaki na para bang ang kasarian ko ay tulad nila. Maya-maya pa'y nag-aya na siya palabas. Pasakay na kami nang naitanong niya sa akin kung gusto ko dumayo sa Eastwood. Walang kaabog-abog na um-OO ako. Basta lakwatsa, hindi ako madaling umurong.
Nang makarating kami, isang mabilis na "Tara, inuman tayo" and sinabi niya habang pina-"park" ang sasakyan. Walang ideya sa posibleng mangyari sa gabing iyon ay tumango na naman ako. Dumiretso sa 'grocery' upang bumili ng beer at samu't saring pulutan, inihanda ko ang aking sarili sa matinding 'sanction' mula sa lady guard na nagbabantay ng dormitoryo dahil wala akong permit para sa pagiging late. Isa pa, lasing din akong uuwi kaya dagdag problema ito. Pero hindi naman ako masyadong naapektuhan dahil para sa akin, ako ay nagpapanggap na rebelde.
Ngunit may ilang kapusukan na nauuwi sa kapahamakan. Ito na rin ang magdudulot sayong maging manhid at mapang-duda sa iba.
Hindi ko maunawaan kung paano ko nagawang makipag-hawakan ng kamay kay Henry. Marahil nagsimula iyon sa muling pagsukat-sukat ng maliliit kong kamay na inilalapat niya sa kanyang mga palad. Ilang sandali pa ay nag-aya na siya pabalik sa UP. Habang tumatakbo ang sasakyan, panalong panalo ang sound trip. Ito iyong tipong magpapaalala sa'yo na masaya ang kalayaan. Na hindi mo tanaw ang nalalapit na pangamba sapagka't masyado kang namamangha sa paglaya.
Unti-unti ay napansin kong hindi kami pabalik sa dormitoryo. Papunta kami sa isang madilim at walang katao-taong lugar...Papunta kami sa parking lot ng library...lugar kung saan ang kaalaman ay nakaukit sa mga librong walang kakayahang makinig o magsalita. Hindi ko mabigkas ang salitang magpapahiwatig ng pagkalito o paghingi ng paliwanag sa kung bakit naroon kami. Sa tingin palang ni Henry, nanlamig ang buong katawan ko at di ako makakilos. Nanginig ako sa takot at tumakbo ang aking isipan na para bang ilang oras ang ibinilis nito...sobra-sobra para malaman ko ang aking kahahantungan...simple lang naman...nakapangingilabot! Binuksan niya ang beer at inilagay sa 'dashboard' ng kotse. Nag-isip ako kung sisigaw o kakalma kahit nagsimula nang sumikip ang dibdib ko. Isip...isip...isip....tuliro sa kung ano ang unang gagawin para makatakbo papalabas, pinilit kong huminahon habang pinapakiramdaman ang mga galaw niya. Kinuha ko ang beer, humigop upang humupa ang nginig at pigilan ang nagbabadyang luha. Sa mga sandaling iyon ayoko ang aking nakikita...hindi na ako natutuwa....hindi ko gusto ang nabibigla...sumikip pa nang husto ang aking dibdib nang bigla niyang hinaplos ang aking buhok, hinawakan ang aking kamay at inakmang halikan ako. Hindi na ako makahinga at naramdaman niyang hinahabol ko ang aking paghinga. Natumba ang iniinom kong beer at mabilis niyang inangat ito upang di na kumalat ang basa at ang amoy. Nakakasuka...nagulat siya at animo'y nadismaya habang nagpupunas ng kotse. Subali't nagawa pa rin niyang tanungin kung ayos lang ako. Tanga talaga (hehe). Pinaandar niya ang sasakyan ng sabihin kong kailangan ko ang gamot ko. Marahil natakot din siya sa kung ano ang mangyayari sa akin kaya dali-dali niyang pinaandar ang sasakyan pabalik sa dormitoryo. Nang makarating kami ay dagli-dagli akong lumabas ng sasakyan bagama't matindi ang pagngining ng tuhod ko. Kung hindi ba naman isa't kalahating manhid o sadyang alam niya lang na kaya niya akong takutin, ay nasabi niya pa, "Bumalik ka ha...30mins? Ipapa-page kita ok" Ganun pala ang maging alipin ng takot. Napapatango ka. Hanggang ngayon hindi ko maunawaan kung bakit nagawa ko iyon. Nang makarating ako sa aking kuwarto, gumaan ang aking pakiramdam. Hinanap ko pa rin ang aking gamot at ininom ito habang humahagulgol sa takot. Wala pa ang roommate ko kaya hindi ko pa rin alam ang aking gagawin. Natatakot akong magwala siya sa baba kapag hindi ako bumalik. Paroo't parito ang lakad ko, iniisip ang gagawin habang tumatakbo ang kuwento sa aking utak. Sa mga sandaling iyon sinilip ko kung maraming tao sa harap ng dormitoryo. Nang matiyak kong marami pa rin ang nakatambay, naging mahinahon na ako. Pero inaamin kong sadyang tanga talaga ako para bumalik pa dahil lang sa takot. Marahil, nabawasan sana ang kabobohan ko kung pumirmi na lamang ako sa kuwarto kahit magwala pa siya. Nasa dormitoryo naman ako at ligtas. Ngunit wala talaga akong utak nung mga panahong iyon. Bumalik ako para lamang masilayan ang naiinip niyang mukha. Siguro hindi niya nais ang presensya ng mga tao sa paligid ay sandali niya lang akong kinuwentuhan at matapos non ay pumasok na rin kami pabalik sa gusali. Nawala ang takot ko dahil alam kong ligtas na ako.
Ang gabing iyon ang nagdulot sa akin ng 2 bagay:
1. Takot nang halos 3 buwan sa tuwing makakasalubong ko siya. Kawawa sa akin kung sino man ang kasama ko sa mga panahong iyon dahil matindi ang kapit ko at hindi talaga ako makagalaw nang ilang segundo.
2. Pagdududa sa mga tao, lalo na sa mga lalake. Naisip kong nais lang nilang makipaglaro at pag nakuha na nila ang gusto nila, iiwan ka na lang. Lalung-lalo na kung hindi nila nakuha ang nais nila...talagang parang hangin ka lang na dumaan. Naging ganon si Henry...tsk tsk tsk
Hay naku, alam mo ba..."
Hindi ko na narinig ang mga sumunod na kuwento ni Sophie. Hindi ko na rin alam kung paano niya nahalatang wala na siyang kausap kaya binaba niya na ang teleponong ilang oras ding nagpa-init ng tenga ko...para bang naglakbay na ang diwa ko paalis sa dimensyon niya. Para bang nais kong magpahinga na..malayo sa alaala ng taong hindi ko nais makita. Malayong malayo dahil nais kong magtiwala hindi magduda kahit gaano kahirap. Malayo...malayong panaginip.............
Nagising ako sa ingay ng pintuan. Dumating pala ang aking pinsan. Bumangon ako at napansin kong namumugto ang mata ko at masikip ang aking dibdib. Sa aking tabi ay hawak ko ang isang jelly ace. Binuksan ko ito at tinitigan. Bagama't naluluha na naman nang walang dahilan, ngumiti ako upang alalahanin ang nangyari ng araw na iyon. Hinigop ko ang laman at naramdaman kong sumaya ako habang mabilis na dumaan sa aking lalamunan ang isa sa aking paborito.
...sa susunod na paglalathala: Layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis! Ppag-usapan natin ang.............?
No comments:
Post a Comment