Sunday, December 19, 2010

In a nutshell

Kung iisa-isahin ko ang bawat nakaraan na nagdala sa akin sa panibagong sitwasyon ay marahil hindi ko mauumpisahan ang kapirasong artikulong ito. Bukod sa ayoko ng mahabang paliwanagan, ay mahihirapan lamang akong mabuo ang isang kuwento. Mas madalas, ang mga bagay-bagay at emosyon ay kusang lumulutang na ani mo'y mga yelo sa isang basong tubig...masikip at unti-unting natutunaw sa pagdaan ng panahon. Hindi bale, nariyan naman ang Facebook.

Hindi ko rin naman maikakailang sumasagi sa isip ko ang kaba at duda sa tuwing may mga desisyon na kailangan akong gawin. Ang anim na taon na pagiging "independent" ay mahirap samakatuwid. Kung minsan, kailangan magpanggap na walang tutulong sayo upang matuto ka lamang tumayo sa sarili mong mga paa. At kahit utak mo ay nanghihina sa kakaisip kung paano ka mabubuhay na walang inaasahan. Sa araw na ito ay minarapat kong hindi sisihin ang "pride" na nananalaytay sa dugo ko bagama't makailang ulit itong ipinaghihimutok ng aking ama. Ikatutwa ko na lamang malaman na kung sakaling dumanak ito, may matatakbuhan pa rin ako.

Magtatapos na ang taon. Naalala kong sumulat ako ng mga bagay na nais kong gawin at maging ang mga bagay na natutunan ko nung nakaraang taon. May mga bagay na nagawa ako. May mga bagay din namang binaon ko na sa utang..este sa limot pala. Ngunit napagtanto kong isang emosyon ang bumalot sa buhay ko...TAKOT.

Hindi sa uri ng pagkaduwag sapagka't matigas ang ulo ko kung pagpilit ng kagustuhan ang pag-uusapan. Maraming bagay ang sinubukan kong gawin sa unang pagkakataon. At lahat ng ito ay dahil sa takot at nagdulot ng takot.

Natakot akong mabuhay na walang kasama sa bahay. Natakot akong hindi ko kakayanin ang paglalaba, pagluluto, paglilinis, pamamalengke, pamamalantsa, at pagiging "one-man team." Natakot akong lulunukin ko ang "pride" ko pagkatapos ng taon at babalik ako sa taong nagmahal sakin nang tunay. Hindi dahil mali ang desisyon ko ngunit dahil wala nang magtatanggol sakin sa mga sitwasyong ang pagiging babae ay may katumbas na diskriminasyon. Kung sakali mang isipin ko ito, maging ang damdamin ko ang nagsasabing madaya ako sa maraming bagay at makasarili ako.

Ngunit nais ko din namang ipaalam na natakot ako nang pinalaya ko ang isang tao dahil sa pangarap at pagbabago. May mga panahong nais kong bawiin ang sinabi ko para lamang bumalik sa normal at maging kuntento na lamang sa ganon. Natakot akong harapin ang bukas na wala nang magsasabi ng "Mahal Kita." o "I'm sorry, wag ka nang magalit ha?" Natakot akong hindi na kamay ko ang hawak niya balang araw. Natakot akong hindi ko na masasabi kung gaano ako ka-swerte at kung gaano siya kamalas. Kung iisipin ko ang inabot ng takot na ito, masasabi kong hindi namin masusubukan ang tunay na kakayahan kung walang bukas na pag-iisip.

Bagama't isang pagkakaibigan ang nabuo sa paghihiwalay, isang takot naman ang nabuo sa ideya ng pagtitiwala. Inakala kong magiging madali naman ang pagtanggap na mag-isa na lamang ako. Sinanay ko ang sarili kong isantabi ang emosyon at maging malayo ang loob sa iba. Unti-unti kong nakalimutan na hindi ko niyayakap ang pangarap ko...na hindi ko binibigyang halaga ang ibang tao sa pag-aakalang iyon ang katumbas ng pag-iisa. Ilang tao rin ang naging bukas ang pahayag sa pagtanggap. Ngunit isang tao lamang ang masasabi kong naging makabuluhan ang papel sa buhay ko. Sinubukan kong ibulong sakanya kung gaano kahirap ang umamin. Sinubukan kong sabihin na baka hindi kami magpang-abot ng pangarap dahil nabubuo na sakanya ngunit nag-uumpisa pa lamang ako. Sinubukan kong ipahiwatig na kailangan ko siya bagama't nauunawaan kong may mga pangangailangan din siyang hindi ko kaagad maibibigay. Muli, bandang huli ay hindi ko na rin maisip kung kailan siya bumitiw sa pagkakayakap ko sa kanya. At sa huli, pinili kong lumayo at hayaan na lamang nakabukas ang pinto. Marahil, mas makakabuti iyon.

Hindi ko man ninais mangyari ang ilang bagay, masasabi kong nagkaroon ng pakinabang ang samu't-saring takot ko ngayong taon. Dahil sa takot, natuto akong tanggapin ang mga bagay na hindi ko na kayang ibalik, mga salitang hindi ko na kayang ihingi ng paumanhin o patawad, mga karanasang hindi ko nais baguhin o alisin sa aking isip. Dahil sa takot, bumalik ako sa pagiging masaya at simple. Bumalik ako sa kung saan ako dapat magpanimula.

Masasabi kong dahil sa takot ay mas naging makabuluhan ang buhay ko ngayong taon. Mas praktikal kong tinatanaw ang bukas at mas binibigyang halaga ko kung ano ang meron ngayon. Mas binibigyang kulay ko ang mga tao sa paligid at sinusuklian ang damdamin nila sa kung ano ang nararapat.
Marahil ang taong ito ay sadyang mapaglaro. O marahil ang taong ito ay puno ng pagkabalisa. Alin mang anggulo ko ito tignan, napatunayan kong ang takot ay nakakapagpabago.

Wednesday, July 28, 2010

Out of Reach


Nalilito na ako. Di lang isang dakot ang dami ng nakapagpapalito sa akin. Di lang isang milya ang layo ng pang-unawa sa kung ano ang katotohanan o sa kung ano ang dapat kong malaman. Di lang sampung kilo ang bigat ng nagpapagulo sa aking damdamin. Di lang isang daang dangkal na ideya ang pumapasok sa isip ko.

Kung minsan, naghahanap tayo ng kasagutan sa mga pangyayari pero ayaw nating natatanong sa mga bagay na tingin natin ay kailangang manatiling lihim...nakatago at sadyang kinakalimutan. O marahil, naghahanap tayo ng mga tao na mapagkakatiwalaan pero sadyang wala o hindi ka pa handa.

Pilit kong binubuo ang mga dapat kong sabihin. Pilit kong isinusulat nang maayos ang nais kong iparating. Ngunit malabo na yatang maayos ang mga bagay.


Saturday, April 3, 2010

Two Why Light?

HatingGabi

Gusto ko sabihin sa'yo
Kung ano ang nararamdaman ko,
Pero hindi ako sigurado
Marahil dahil sa takot
Baka masaktan lang kita
O baka ikaw ang karma ko

Sa totoo lang ayoko nang makipaglaro
Nung huling yakap mo
Hindi ko mapigilan ang luha ko kasi
Parang pinapahiwatig nito
Kailangan na kitang "i-let go"
Nahahawa na ako sa'yo

Nararamdaman ko kasi lungkot mo
At pilit na ipinapaalala sa akin
Kung gaano ito kalalim tulad ng sugat ko
Pero pag yakap mo ako
Saktong dahilan para sumandal sa'yo
Hindi ko kailangan magkunwari

Na parang andyan ka, naiintindihan mo
Pipilitin kong hawakan ang kamay mo
Pero biglang may papasok sa eksena
Hindi ko magawang yakapin ka pabalik
Di mo tuloy naramdaman importante ka rin
Kahit sa sandaling iyon, bago ka umalis

At ayoko umalis ka...gusto ko mauna ako
Madalas nakikipagkumpitensya lang
Kasi parating may laro
At gusto ko ako ang panalo tulad ng dati
Hindi ko pa nasusubukang matalo
Utak parati, bago ang puso

Napaka-"ironic"
Kung gaano kagaan ang aking pakiramdam
Kapag niyayakap mo ako nang mahigpit
Ganon din kahigpit ang lungkot
Madalas kumakabog ang sakit sa dibdib
Sa oras na ayaw mong maramdaman

Thursday, January 7, 2010

Birthday Wishes

Alas-tres ng madaling araw ako pinanganak. Nakapagtataka tuloy kung may koneksyon ang pagiging "nocturnal" kong sanggol sa pagiging aktibo ko tuwing gabi..o sadyang "insomniac" lang? Bago pa man mapadpad ang usapin sa kung anu-anong paghahalintulad, ang nais kong ibahagi ay ang mga "unang" nangyari sa akin sa taong 2009 base sa aking memorya.


1. PTC/PPC= Paid to Click/ Pay Per Click

Isa itong pagkakakitaan "online" kung saan babayaran ka ng isang "site" para i-click ang mga "ads" or "sponsors" nila. Sa totoo lang nakakatuwa siya sa umpisa kasi madali lang mag-click at maghihintay ka lang ng 30sec. para ma-credit ang pera sayo at pag umabot ka sa quota pwede mo nang i-cash out ang pera mo papunta sa PayPal. Pero nakakasawa kasi cents ang kinikita mo at ang tagal bago mo cash-out ang pera. Isipin mo na lang na 10cents kada-click pero kailangan makabuo ka ng $10.00 bago mo ma-cash-out. Masaya sana 'to kung marami akong naging referrals. Naging pampalipas-oras ko ito tuwing hindi ako makatulog.


2. Facebook/Multiply/Twitter Hindi pa rin nawawala ang opinyon ko na ang mga social networking sites ay isang instrumento upang palawakin ang unang katauhan mong "facade" o iyong "exterior" na personalidad mo. Natatandaan kong Abril nang simulan kong mag-'open' ng ''account.'' Mahirap nga lang mag-upload ng picture di gaya sa Multiply pero naaliw naman ako sa "interface" at sa mga "games." Bagamat di maiwasan na kung sino-sino ang mag-a-add sayo, pinipili ko na lang...at random...kung sino ang idadagdag ko. Hmmm...sa ngayon mahigit 250 ang friends ko. Sari-saring lubid...sari-saring kaugnayan..isa lang ang hangarin...koneksyon..tunay man o kathang-isip.


3. Maruya/Corn with cheese. Maruya: Yun pala yun...saging na may harina. Masarap, parang turon lang kaso iyong arnibal hindi isinasama sa mantika. Ibinubudbod ang asukal pagkatapos iprito. Ayos! Corn with cheese: Sa edad kong ito. Ang tanga ko talaga. Hindi kasi sumagi talaga sa isip kong bumili ng mais na may "orange" na inilalagay sa ibabaw. Maka-ilang beses na akong nakakain ng binatog kung kaya't hindi ko na rin binigyan ng panahong isipin kung cheese ba yun o "Tang powdered orange juice." Patawad. Pero masarap naman.


4. Pares sa Jolly jeep. Hindi talaga ako pihikan sa pagkain. Nung asa Baguio nga ako, madalas nahuhuli ako ng Mama kong kumakain ng isaw, odoks, tukneneng, balat, at mami o bulalo. Ang hindi ko lang gustong kainin ay betamax at ulo ng manok. Nung bata ako naalala kong nakakain na ako ng adobong sawa at oo, gaano man kapanis ang linyang "lasang chicken" eh lasang ganon nga...sa sobrang sarap hinintay pa ng lolo kong maubos ko ang isang mangkok ng sawa bago niya sabihing nakain ko ang posibleng mamulutan sakin...una-unahan lang. Siyempre kung 5-6 years old ka, at hindi mo nakita kung paano niluto eh wala lang iyon sayo. Kahit nga palakang-bukid nakakain na ako eh. Magaling naman sa bolahan ang lola ko pagdating dito. As in literal na bolahan dahil matapos i-"grind" eh bibilugin parang spaghetti meatballs, saka isisigang...weakness ko pa naman ang sinigang o mga sinampalukang ulam...ayun at hindi ko malilimutan kung paano ko hinihigop ang sabaw at nginunguya si kaibigang palaka. Ang pares sa Jolly jeep na nakapuwesto sa Buendia tuwing hatinggabi ay ang unang Jolly jeep adventure ko. Sarap...pero hindi na ngayon. Alam niyo bang hango sa ari ng baka ang sabaw nito. Isipin niyo na lang na sagana sa protina ang kinakain niyo kaya mapapansing malapot ang sabaw. Kung nalaman ko nang mas maaga hindi na sana ako kumain nito. Gayunpaman, andun na eh. Nasarapan naman ako eh kahit nga sa NFA rice na hayaan mo na lamang ang amoy basta lagyan mo ng seasoning at sangkatutak na bawang. Solb na!