Alas-tres ng madaling araw ako pinanganak. Nakapagtataka tuloy kung may koneksyon ang pagiging "nocturnal" kong sanggol sa pagiging aktibo ko tuwing gabi..o sadyang "insomniac" lang? Bago pa man mapadpad ang usapin sa kung anu-anong paghahalintulad, ang nais kong ibahagi ay ang mga "unang" nangyari sa akin sa taong 2009 base sa aking memorya.
1. PTC/PPC= Paid to Click/ Pay Per Click
Isa itong pagkakakitaan "online" kung saan babayaran ka ng isang "site" para i-click ang mga "ads" or "sponsors" nila. Sa totoo lang nakakatuwa siya sa umpisa kasi madali lang mag-click at maghihintay ka lang ng 30sec. para ma-credit ang pera sayo at pag umabot ka sa quota pwede mo nang i-cash out ang pera mo papunta sa PayPal. Pero nakakasawa kasi cents ang kinikita mo at ang tagal bago mo cash-out ang pera. Isipin mo na lang na 10cents kada-click pero kailangan makabuo ka ng $10.00 bago mo ma-cash-out. Masaya sana 'to kung marami akong naging referrals. Naging pampalipas-oras ko ito tuwing hindi ako makatulog.
2. Facebook/Multiply/Twitter Hindi pa rin nawawala ang opinyon ko na ang mga social networking sites ay isang instrumento upang palawakin ang unang katauhan mong "facade" o iyong "exterior" na personalidad mo. Natatandaan kong Abril nang simulan kong mag-'open' ng ''account.'' Mahirap nga lang mag-upload ng picture di gaya sa Multiply pero naaliw naman ako sa "interface" at sa mga "games." Bagamat di maiwasan na kung sino-sino ang mag-a-add sayo, pinipili ko na lang...at random...kung sino ang idadagdag ko. Hmmm...sa ngayon mahigit 250 ang friends ko. Sari-saring lubid...sari-saring kaugnayan..isa lang ang hangarin...koneksyon..tunay man o kathang-isip.
3. Maruya/Corn with cheese. Maruya: Yun pala yun...saging na may harina. Masarap, parang turon lang kaso iyong arnibal hindi isinasama sa mantika. Ibinubudbod ang asukal pagkatapos iprito. Ayos! Corn with cheese: Sa edad kong ito. Ang tanga ko talaga. Hindi kasi sumagi talaga sa isip kong bumili ng mais na may "orange" na inilalagay sa ibabaw. Maka-ilang beses na akong nakakain ng binatog kung kaya't hindi ko na rin binigyan ng panahong isipin kung cheese ba yun o "Tang powdered orange juice." Patawad. Pero masarap naman.
4. Pares sa Jolly jeep. Hindi talaga ako pihikan sa pagkain. Nung asa Baguio nga ako, madalas nahuhuli ako ng Mama kong kumakain ng isaw, odoks, tukneneng, balat, at mami o bulalo. Ang hindi ko lang gustong kainin ay betamax at ulo ng manok. Nung bata ako naalala kong nakakain na ako ng adobong sawa at oo, gaano man kapanis ang linyang "lasang chicken" eh lasang ganon nga...sa sobrang sarap hinintay pa ng lolo kong maubos ko ang isang mangkok ng sawa bago niya sabihing nakain ko ang posibleng mamulutan sakin...una-unahan lang. Siyempre kung 5-6 years old ka, at hindi mo nakita kung paano niluto eh wala lang iyon sayo. Kahit nga palakang-bukid nakakain na ako eh. Magaling naman sa bolahan ang lola ko pagdating dito. As in literal na bolahan dahil matapos i-"grind" eh bibilugin parang spaghetti meatballs, saka isisigang...weakness ko pa naman ang sinigang o mga sinampalukang ulam...ayun at hindi ko malilimutan kung paano ko hinihigop ang sabaw at nginunguya si kaibigang palaka. Ang pares sa Jolly jeep na nakapuwesto sa Buendia tuwing hatinggabi ay ang unang Jolly jeep adventure ko. Sarap...pero hindi na ngayon. Alam niyo bang hango sa ari ng baka ang sabaw nito. Isipin niyo na lang na sagana sa protina ang kinakain niyo kaya mapapansing malapot ang sabaw. Kung nalaman ko nang mas maaga hindi na sana ako kumain nito. Gayunpaman, andun na eh. Nasarapan naman ako eh kahit nga sa NFA rice na hayaan mo na lamang ang amoy basta lagyan mo ng seasoning at sangkatutak na bawang. Solb na!
5. Cyrus Lyle Unang pamangkin. Sa wakas at may baby na kami. Unang apo ng parents ko at ang cute. Nakakatuwa siyang pagmasdan lalo na nung bagong panganak pa lang. Parang gusto ko siyang laging kinakarga. Mababatukan na ata ako ng hipag ko kasi parang ako na yata iyong ina eh. Iyong sumunod na eksena lang ang lagi kong iniiwasan sa tuwing may nakikitang baby o bata ang parents ko. Parati kasing tinatanong sa akin kung kelan naman ako mag-aasawa o magkaka-anak. Sa tingin ko baka ma-heart attack silang pareho kung sasabihin kong gusto ko lang ng baby..hahahaha! Siyempre, kung sinabi kong ayoko pa, ang susunod na tanong eh kelan ako mag-a-abroad. At pag sinagot ko naman pag tapos na akong mag-aral ay may ideya na kayo marahil kung ano ang susunod na tanong. Masaya naman ako dahil parating may aagaw ng eksena kung kayat makakatakas na ko papuntang kusina.
6. Post-break up tears.
Tama. Unang break up sa loob ng 5 taon. Unang seryosong relasyon na nauwi rin sa malabong pamamaalam. Kaya unang iyak dulot ng insidenteng ito. Hay! Limang taon kong nakalimutan kung paano hindi magseryoso para hindi tumulo ang luha ko gaano ko man pigilan. Nakapanghihinayang na gaano man kahaba ang taong lumipas, iiyak ka pa rin dahil ito na lang ang natitirang "option" para hindi mo pagsisihan ang isang relasyon o para masabi mong naging maayos naman ang lahat sa loob ng 5 taon...Ganon talaga eh.
7. Ferry Ride sa Pasig
Nung una ay takot talaga akong subukan ito. Sa dumi ng ilog Pasig, takot ko lang lumubog sa mabahong anyo ng tubig gaya nito. "At last!" Sinumpong na naman ang pabugsu-bugsong kaisipan ko kung kaya't walang kaabog-abog na nagdesisyon akong pumunta sa pier ng Guadalupe. Sa una ay parang gusto kong bumalik na lang sa bahay dahil tanghaling tapat na nang tinopak ako (akalian mo ba namang magplano eh tanghali na). Bukod pa dito, nang makarating ako sa pier ng Guadalupe, ay di umano'y wala nang biyahe patungong Maynila. Ang gusto ko pa naman ay makarating ako ng Chinatown sakay ng ferry. Pero dahil andun na rin lamang ako ay sumakay na rin upang hindi maituring ang sariling pamatay-pangarap.
Isang kataga lang para sa karanasan na ito: "IN FAIRNESS!" Sinong mag-aakalang may isang malaking flat screen lcd tv sa loob ng ferry na amoy lumot...sosyal! Maluwag naman ang loob nito at sa labas, kung nais mong magpa-cute eh maaari mong tiisin ang init ng araw. Sa ilalim ng mga upuan ay mga "orang life vests" na nakatali dito.
Ilang sandali pa'y nagsimula nang umandar ang ferry. Kasabay nito ay naglakbay na rin ang isipan ko. Marumi, masukal at maitim. Habang mabagal na naglalakbay ang ferry ay ganon din katagal tumatak sa aking memorya ang pagiging masalimuot ng bansa..ng mga mamamayang nakatira dito. Ngunit wala akong magawa. "Click!" muling tunog ng tanging testigong nakasaksi sa ugnayan naganap sa pagitan ko at ng mga batang masayang lumalangoy sa ilog Pasig. Isang makabuluhang paglalakbay....buti na lamang at tumuloy ako.
-----
Mag-aalas-dose na. Heto't nagloloko na naman ang "mobile phone" ko dahil sa sangkatutak na mensaheng natatanggap ko. Buti na lamang at halos 99% ng mga taong inaasahan kong bumati sa akin ay di ako binigo. Matapos makipagkuwentuhan sa lamesa sa kusina, sa sala at sa terrace ay pumasok na ako sa luma kong kuwarto. Nang ipikit ko ang aking mga mata ay nangingiti kong pinagmasdan ang aking sarili. Napakaraming taong kumakanta. Masaya ako dahil halos lahat ng naroroon ay mga taong nais ko talagang imbitahin. Isang malaking "cake" ang naghihintay sakin. Puno ng kandila, humudyat na ang mga tao upang simulan ko nang hipan isa-isa. Ngumiti muna ako sa kanila...
"Nak, matutulog ka na? Ang aga naman" sambit ng Papa kong nakaabang sa pinto ng kuwarto, sabik na magpuyat.
"Hay Pa, panira ka naman ng eksena..kainis! Tara, may beer pa ba?" nayamot kong tanong sabay halik sa lalakeng kasama sa panaginip ko...sayang hihipan na lang eh.
No comments:
Post a Comment