Tuesday, August 18, 2009

Facade

"Masaya ako." Ilang beses ko na yatang sinabi to at maka-ilang ulit ko na ring ipinilit isaksak sa kukote ko na hindi ako malungkot. At tama naman, dahil may ilang bagay na nagpapasaya sa akin.

Naalala ko tuloy nang lumabas kami ng kaibigan ko. Isang litanya na naman ang iniwan niya sa akin. Ayun sa kanya, ako daw iyong tipo ng tao na ubod nang LABO. Kung ang ibang tao ay pinipilit ayusin ang gulo, ako daw, gumagawa naman nito. Napangiti na lang ako habang tuloy-tuloy na sinisipsip ko ang bottomless iced tea na para bang kasabay non ang paglunok ko sa natitirang pride na nakabara sa lalamunan ko. Mahirap gawin iyon pero himalang kalahati ng baso ang naubos ko kung kaya't nilapitan na naman ako ng waiter para i-refill ito. Kamusta naman, di ba?

Sa hinaba-haba ng usapan, nagawa ko pa rin isingit ang Facebook. At bakit naman hindi. Para sakin, katulad siya ng isang bahay aliwan: Ang antas ng kaligayahan ay depende sa kung ano ang gagawin mo. Animo'y isang hula sa tarot card ang lumabas na inuudyukan akong bumalik sa nakaraan.

Ang Facebook ay hango sa pangalan ng class book ng isang school sa America. Hindi nakapagtatakang ang social networking website na ito ay binuo ng mga burgis na geeks ng Harvard University. Ibang klase talaga ang utak nila! Samakatuwid, mula sa pagiging memorabilia, ay naging daan ito para ma-adik ako sa Farm Town, Mafia Wars, at sa sandamakmak na pagsusulit (ingles: quizzes).

Pero ang personalidad ko ay tungo sa pagiging metikulosa, o marahil sa pagiging nega. Alin man sa dalawa, natatandaan kong hindi ako sang-ayon sa social networking dahil bumubuo lamang ito ng daan para sa isang bahag-hari: makulay, mataas at mahaba pero isang ilusyon. Maari mong sabihin na ikaw ay konektado sa isang tao at magkaibigan kayo pero subukan mong kilatisin at malalaman mong hindi sapat ang dami ng pangalan para masabi mong konektado ka dahil ang koneksyon ay hindi sa dami kundi sa lalim. Wow! wala akong masabi. Hindi ko rin kayang ipaliwanag kung bakit kasama na ako sa Facebook. Basta, sa dahilang nais kong magparamdam, ay pinili kong isantabi ang aking opinyon.

Sa ngayon, nasa Level 23 na ako ng Farm Town at kunwari'y haciendera lang. Naisip ko tuloy na ang salitang burgis (french: bourgeoisie) ay angkop na sakin. Hindi bale, ilusyon lang naman. Isa pa rin akong proletarian (manggagawa). Isang palipad hangin ito para sakin. Marahil, alam ko kasi ang katotohanan pero mas gusto kong umiwas sa spekulasyon kung kaya't ang pinaka prominenteng anggulo ng emosyon ko ang pinili kong ipakita.

Kaya masaya ako.

Mag-aalas onse na at hindi pa rin ako natutulog. Hinihintay ko pa rin na ang wall post ko ay matupad. O marahil, umaasa na ang comment ng ilan ay makapagpapabago ng nararamdaman ko.


..sa susunod na paglalathala: layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis! Pag-usapan natin ang....?

No comments:

Post a Comment