Isa lang naman ang dahilan kung bakit nabuo ko ang blog na ito: Humakot ng maraming kuwento at tsismis! Hindi rin naman kaila na ang pagbuo ng istorya ay mahirap ngunit susubukan kong gawin ito.
Nung una ay nais kong palawakin ang kamalayan ng mga babasa dito. Nag-iisip na nga ako kung ano ang una kong ilalathala sa web. Marahil, ito'y tungkol sa pulitika, ekonomiya, sikolohiya, teknolohiya, ideyolohiya at kung ano-ano pang pampa-angas na usapin na sa una'y magbibigay yabang sa kung anong klaseng kamalayan ang meron ako. Ngunit napansin kong nabobobo na ako at wala akong ibang masabi sa buhay. Isa na lamang akong palaisdaan...artipisyal at nababalot ng lumot. Kaya pala hindi ko maumpisahan. Naalala ko tuloy ang isang kataga sa Latin na madalas sinasabi sa amin ng guro ko nung high school sa parehong subject:
"Nemo dat quod non habet."--No one can give what he does not have.
Isang malaking patama lang naman ito. O marahil isang "wake-up call" na ang buhay ay hindi parte ng ngunit ito mismo ay pagbabago. Ang alam mo noon, maaring humantong sa isa sa 3 bagay:
1. Ang alam mo noon, hindi mo na alam ngayon
2. Ang alam mo noon, hindi na kaalaman ngayon
3. Wala ka nang alam
Hindi ko na sasabihin pa kung alin sa tatlo ako bumagsak. Kasabay ng pagpasok sa mundo ng mga manggagawa, naramdaman ko ang "rite de passage" ay paurong para sakin. Kung sabagay, ilan nga lang bang magkaka-interes kausapin ka pag dating sa edukasyon. Mangilan-ngilan lang ang tatagal sa usapin dahil mas interesado silang malaman kung virgin ka pa o hindi.
Kakatuwang isipin na nahanap ko ang dahilan para sumulat ulit sa panahong nagugulumihanan ako sa isang relasyon at ang kapeng iniinom ko ay sobrang mahal, daan para sulitin ko ang epekto nito: Pagkagising!
...sa susunod na paglalathala: layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis! Pag-usapan natin ang Facebook.
No comments:
Post a Comment