Friday, November 13, 2009

Babymaker

Sumaglit ang memorya ko kay Benjie. Nakilala ko siya nung nag-aaral ako ng drums. Ito iyong mga panahong pinagpapantasyahan ko ang 'teacher' ko na sayang lang kasi may asawa na..tapos anak (kamote!) Si Benjie ay teacher naman ng guitar at tuwing rehearsals, siya ang ka-jam ko habang inoobserbahan ako ng teacher kong rockstar (haaaay!) at binibilang ang mali ko sa bawat nota.



Pinangalanan ko siyang Babymaker. Paano ba naman, napakarami niyang panganay. Minsan nga, naitanong ko kung plano niyang magtayo ng 'sperm bank.' Hindi pa yata siya aware dun. Sa loob ng 2 buwan naging maayos naman ang samahan namin kahit na pahapyaw kung magpahiwatig ng saloobin. Mabuti na lamang at manhid pa ko non. Ang tanging naisip ko lamang ay ang kawalan ng 'sensibility' niya at mga tulad niya na gumawa ng bata ng parang wala lang. Nag-umpisa ang samahan namin sa isang gig at nagtapos din sa isang gig. Para bang isang awit na hindi tugma ang pagkakalapat ng nota kung kaya't hindi ko nasabayan ito at nasira na lamang ang plaka dahil paulit-ulit lang ang parte ng kantang hindi makausad sa koryo. Ilang samahan din ang laging ganito ang naging takbo sa tuwing may makikilala ako....nauumpisahan, nauudlot, nawawala, nasisira..laging walang maayos na katapusan. Sa maniwala man kayo o hindi, isa pa lang ang naging makabuluhan sa akin. Sa kasawiang palad, nauwi din sa wala..na parang meron (naman!)



Tapos sumaglit sa isip ko si Shella. Naalala kong nabanggit niya ilang taon na rin ang lumipas, na ang nais niya lamang ay magkaroon ng baby pero walang asawa. Sa edad na 17, hindi naging normal na ideya sa akin iyon. Kung iisipin, 1:3 ang 'ratio' ng populasyon ng lalake sa babae kaya maaaring may 'logic' ang kagustuhan niyang hindi na mag-asawa. Ngunit hindi naging praktikal ang ideya ng pagtataguyod ng isang bata nang mag-isa. Isa pa, malungkot iyon para sa akin. Sa madaling sabi, hindi naging mabenta sa akin ang sinabi niya dahil pangarap ko pa rin ng mga panahong iyon na magkaroon ng sariling pamilya. Pamilyang naaayon sa depinisyon ng "social norm."

Ilang taon ang lumipas para sa akin. Hindi ko na matanto kung sa bawat taong nakilala ko ay may natutunan ako sa buhay kasi maaring wala naman at hindi naman kailangan dapat ganon ang takbo ng pag-iisip ko. Pero inuudyukan ako ng aking nararamdaman...pakiramdam ko gusto ko ring magkaroon ng anak...na hindi kasama ang asawa. Habang naglalaro sa imahinasyon ko ang itsura ko, lalo akong natutuwa sa ideya na may inaalagaan akong bata at pinagmamasdan habang natutulog o kahit habang naglalaro. Natutuwa ako sa pakiramdam ng isang sanggol na nakasandal sayo habang hinehele mo sa pagtulog. Kaiga-igaya ang amoy nila..ang sarap panggigilan. Sa pagkakataong iyon, hindi mo na kailangan ng paliwanag kung bakit nawawala na lang ang pagod mo.

Kung bakit walang asawa? Wala lang. Pwede namang hindi magkaroon ng dahilan dito hindi ba. Pero sige, bahagya kong sasagutin. Una sa lahat, mahirap ang makisama. Sa ngayon ayokong gawing dahilan ang pagkakaroon ng anak upang mabuo ang isang pamilya. Pangalawa, pamilya pa rin namang maituturing ang ganong kalagayan dahil kung hindi, eh ano? Manghuhusga na lamang tayo ganon. Pangatlo, sa tingin ko wala pa akong makikilalang lalake na gusto na rin magkaroon ng baby..literal at retorikal na depinisyon ito!

Tinatamad na ko.

...sa susunod na paglalathala: Layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis. Pag-usapan natin ang.......

No comments:

Post a Comment