Wednesday, November 11, 2009

Braveheart

Heto at nagpaplano na akong lumipat sa aking bagong tirahan. Hindi naman masalimuot ang aking pakiramdam dahil handa na ako at 'excited' na rin. Ngunit may bahid din ng lungkot ang aking paglipat. Sa totoo lang mami-miss ko ang aking 2 kasama sa bahay na simula pa lang ay naging tagapagtanggol ko at naging takbuhan sa mga araw na alak lang ang katapat ng isang linggong pagkamuhi sa mga katrabahong ubod nang kulit o mga kapitbahay na ubod nang diwara.


Kay Junie na aking pinsan (pero Tito talaga): Sa mga panahong hindi mo makalimutan ang ilang taong pag-ibig mo ay sandamakmak na pakete ng Marlboro ang inipon mo. Hindi mo lang alam na lagi kitang pinakikinggan sa pinto ng kwarto dahil baka nag-suicide ka na. Aba, magpinsan nga tayo! Lakas at tibay talaga ng loob. Kung sabagay ang ganda niya kasi. Kahit ako natitibo sa kanya. Kahit ang katahimikan lang ang nag-uugnay sa atin sa mga panahong darating kang malungkot, masaya, may bisita, nagmamadali o ano pa man iyon, isa lang masasabi ko: MAKALAT KAYO..at MAKALAT na TAYO hehehe. Alam kong magiging masinop ka na dahil sa bago mong housemate. Saludo ako sa sa'yo. Kahit hindi ka umuutang sakin at madalas na ang kinukulit mo ay iyong ako dapat pero hindi nga ako, sa tingin ko nagkakaintindihan na tayo dun. Inuman na lang tayo sa unit ko. Ikaw ang maghuhugas ng pinggan ha? Iyong banyo linisin mo rin nang maigi at wag kalimutan ibaba ang toilet seat cover pagkatapos umihi.

Para bang hindi ko maiwan ang gusaling iyon. Kahit pa 'anonymous' ang persona ko sa mga taong nakapaligid doon ay sadyang nakasanayan ko na rin ang lugar na iyon. Nakasanayan ko nang utusan si Val na bumili ng shampoo pag naubusan na ako kahit ilang hakbang lang naman ang layo ng tindahan sa kinatatayuan ko. Nakasanayan kong may taga-bili ng pagkain kapag hindi ako nakapagluto. Nakasanayan kong pumunta sa Market! Market! kahit araw-araw pa iyon...walang anumang boredom ang nadarama dahil parang nasa compound lang at nakapambahay lang ako kung pumunta dun.

Independent-Dependent at back to Independence ang drama ng buhay ko sa aking paglipat. Mahigit 2 taon din akong naging "baby" ng 2 tao dahil na rin marahil sa kasarian. Nasanay akong inaabangan sa pag-uwi, pinauupo sa sofa at hindi sa sahig, pinagbibigyan ang kamalditahan at tinatapatan ng electric fan noong wala pang aircon. Hindi ko na yata mabilang ang pagpaparaya ng 2 ito. Siyempre, kahit paano ay nasuklian ko rin naman ang mga paglalambing nila. Nakapagluto naman ako ng ulam para sa amin. Nakapag-grocery din naman ako ng mga pagkain na lahat ay paborito ko. Nagawa ko rin namang maglaba ng damit natin (di ba?).

Sa bandang huli, isisigaw ko pa rin naman ang litanya ni Mel Gibson na "FREEDOM!" habang dumaraan ang alaala ng 2 taong naging makabuluhan ang partisipasyon sa aking buhay. Palalayain ang aking nadarama ng isang banat ng itak..hudyat na hindi pa roon nagtatapos ang lahat pero dun na nagtatapos ang pagiging "baby" ko. Nakapagtataka lang. Hindi ba't mas madalas umiyak ang sanggol kaysa sa mga nakatatanda? Hindi ba't mas matindi ang pangangailangan at pangungulila ng mga inaalagaan kaysa sa nag-aalaga? Sa mga oras na ito ay iniisip ko na lamang na panandalian ito. Hindi bale masaya pa rin naman ako.

....sa susunod na paglalathala: Layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis! Pag-usapan natin ang....

No comments:

Post a Comment