Nang mamatay ang isang taong malapit sa akin, bigla kong naisip na gumawa ng "eulogy" para sa bawat myembro ng aking pamilya. Sa mga mapamahiin, ikinagagalak kong sabihin na wag ninyo na lamang basahin ito dahil hindi ko nais hilingin ang kamatayan nila sa pagsabi ko ng aking saloobin. Sa palagay ko, gusto ko lang sumulat...tapos!
Ang dami ko na yatang pinalagpas na pagkakataon simula nang lumisan ako sa bahay, humigit kumulang apat na taon na ang nakalilipas. Naglalakbay ang alaala ko sa panahong ang pawis ay may katumbas na pagpapahalaga, pang-unawa, at pagmamahal...sa panahong ang tanging matatakbuhan mo ay ang lugar na pilit mong tinatakasan. Sa kabila ng kakayahan ng aking mga magulang na mapag-aral kami sa mga pribadong paaralan, lumaki kami na sanay sa salitang "Hirap." Bata pa lamang ako, nauunawaan ko na na kapag may nawawalang gamit sa bahay, may kapalit na balita. Masarap balikan ang alaala dahil dito nabuo ang layunin naming umunlad..patungo na rin dun..wala pa nga lang sa kalahati.
Si Papa...ano pa eh di mataba, ma-pride, lihim na naninigbak, konserbatibong seryoso pero tamang "cool" lang. Hindi ko na mabilang kung ilang beses kami nagtalo dahil magka-iba ang aming pananaw sa pulitika, trabaho, sa estado ng buhay, sa pera at sa kung saan-saan pa. Naalala kong ang pinakamatindi naming hidwaan ay naging dahilan ng pag-alis ko sa bahay. Hindi ko kailan man pinagsisisihan ang paglisan ko kahit na halos buong kuwarto ko na yata ang bitbit ko at mistulang Hercules lang ang drama dahil pinilit kong buhatin ito papasok ng taxi. Ininda ko na ang sakit dahil sa isip ko ay sobrang malakas ako. Papa's girl ang kadalasang bansag sa mga nag-iisang anak na babae at dahil na rin sa pagiging malapit nila sa kani-kanilang ama. Natitiyak kong ang panukat non ay di lamang batay sa pagiging magkasundo pero sa antas ng respeto. Kung meron man akong natutunan sa kanya ay ito: Natutunan kong walang silbi ang pride kung hindi mo alam ang respeto. Natutunan kong wag lumingon sa nakaraan pero tumanaw ng utang na loob. Natutunan kong masyado niya kaming minahal kaya gagawin niya ang lahat...isang bagay na hindi ako sang-ayon ngunit hindi ko ikakahiya.
Si Mama...ano pa eh di payat, OC-OC, makadiyos, at laging tumitilaok. Naalala ko tuloy nang ipinagkanulo ni Pedro si Hesus. Hindi ba't tatlong beses tumilaok ang manok?! Kung si Mama iyon, baka higit pa dun, half-day pa lang. Pero maiba tayo. Masasabi kong naging malapit lang ang loob ko skanya nung nasa kolehiyo na ako. Tama. Isa siya sa mga Ina na ubod ng OC-OC sa maraming bagay. Halimbawa, kung balak mong ipalaba ang damit mo sa kanya, dapat may 2 layunin ka: Nais mo bang pumuti ang damit mo o mas maayos ito? Alin man dun, wag na wag mong ipapalaba ang branded mong damit dahil hindi siya bilib sa washing machine. Samakatuwid, ang kalalabasan ay ito: Malinis, mabango, pero loose...hayst! Galing sa lahi ng OC-OC at puro mga babae, militar kung militar ang training. Kung meron man akong natutunan sa kanya ay ito: Ang disgrasya ay hindi dahilan upang pagsisihan mo ang naging buhay mo. Natutuwa naman akong malaman na mas pinili nilang isantabi ang pag-aaral kaysa sa responsibilidad...oo, pag-aaral para sa responsibilidad...dahil ang edukasyon ay hindi konseptong nakakulong sa apat na sulok ng paaralan. Natutunan ko rin sa kanya na hindi naman dapat pilitin ang utak na intindihin ang kabuuan ng Diyos dahil para ano pa't naging Diyos siya kung nauunawaan mo ang lahat sa kanya? At natutunan kong magpa-cute sa camera dahil sobrang camera shy siya...oo, sobra!!!!
Si Art/Kuya...ano pa eh di malaking mama, mabait, babaero pero iyakin (sa aking perspektibo). Naging mabuti siyang kapatid para sa akin. Malapit kami lalo na nung bata pa kami at sakanya ko rin natutunan kung paano ba lumayas..ang kaso kulang siya sa plano. Simpatiko kung tawagin at nasa elementarya pa lang eh may girlfriend na. Naalala kong ako lang naman ang taga-basa niya ng mga sulat sa kanya na punong-puno ng kisses at glitters. Naalala kong siya ang sumusundo sa akin pauwi at nagbubuhat ng lunch box ko dahil wala nang laman iyon (mautak!) habang kinakalansing niya ang dalawang pisong pamasahe namin pauwi. Hindi kailan man naki-alam si Art sa pribadong buhay ko. Marahil alam niyang napaka-tigas ng ulo ko o dahil may tiwala din siya sa akin kahit paano. Kung meron man akong natutunan sa kanya ay ito: Magmahal, Magtiwala, at Maglayas! Natutunan kong hindi mo dapat iasa sa iba ang pag-unlad mo dahil kung hindi, hindi ka matututo. Natutunan kong magpakalalake..basta! Sayang lang dahil ngayon, hindi na kami madalas mag-usap. Gayun pa man, siya ang aking Bantay (whoof!).
Si Ted/Bunso..ano pa eh di makulit, maitim at Ingles nang Ingles kahit wrong grammar. Hindi ko na yata mabilang kung ilang school ang nilipatan niya at ilang subjects ang parating drop. Ang sabi nila, opposite namin mag-kuya...mahina ang kukote. Sa tingin ko naman, tamad lang. Malambing naman kahit na madalas bugnutin. Mahilig matulog at wag na wag mong tatangkaing gisingin siya dahil maghapong magdadabog. Naaalala kong lagi siyang biktima ng init ng ulo ko at madalas pagtuunan ko ng pansin. Kung meron man akong natutunan sa kanya ay ito: Hindi mo mababago ang isang tao hangga't di mo siya natatanggap. At kung meron man siyang dapat matutunan sa ngayon ay ito: Confidence...ang kakayahang hindi magpaapekto gaano ka man ikumpara sa iba. Isa lang hiling ko: Maka-graduate ka na!!!
Sa bandang huli, hindi pa rin sapat ang mga mensaheng ito para sa isang "eulogy." Ubod nang dami ko kasing gustong sabihin pero napakahaba nito para sa isang blog. Gayun pa man, ang mahalaga, naisulat ko ang iilan sa mga bagay na nakapagpapaalala ng aking pinanggalingan. Hindi ito patunay ng aking pagmamahal dahil hindi ko kayang patunayan ito. Napakahirap sabihin kung naging mabuti ako sa kanila. Isang bagay lang naman ang kailangan isipin: Mahalaga ang pamilya...tapos!
Inaantok at nananakit ang katawan ko...Sakto lang dahil isang araw na naman ang lumipas! Paakyat na ako ng hagdan tungo sa tinitirhan kong gusali. Ingay ng mga bata ang masasalubong mo. Napansin kong sa veranda ng gusali ay nakatanaw ang kapitbahay kong ama sa isang kotseng nakaparada sa harap. Napangiti na lamang ako dahil alam kong bisita ng anak niyang babae ang nasa loob kasama ng unica hija niya. Ayan tuloy at sari-saring imahinasyon na naman ang pumasok sa isip ko. Sinulyap ko saglit para pansinin kung umuuga nag kotse...hindi naman!
sa susunod na paglalathala: layunin kong humakot ng maraming kuwento at tsismis! Pag-usapan natin ang.....?
No comments:
Post a Comment